Isko Sina Manila Mayor Isko Moreno at Mayor-elect Honey Lacuna habang namamahagi ng pinansiyal na tulong sa bawa’t pamilyang biktima ng mga nagdaang sunog. Kuha ni Edd Reyes

Isko, Lacuna namahagi ng tulong pinansiyal sa mga nasunugan

June 10, 2022 Edd Reyes 118 views

Lacuna

NAMAHAGI ng tulong pinansiyal ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila sa may 547 pamilyang nawalan ng tirahan sa mga naganap na sunog sa iba’t-ibang distrito ng lungsod upang matulungan sa kanilang muling pagbangon sa sinapit na trahedya.

Pinangunahan nina outgoing Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at ng mauupong bagong alkalde ng Maynila na si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pamamahagi ng P10,000 tulong pinansiyal sa bawat pamilya na ginanap nitong Biyernes ng hapon sa Antonio J. Villegas Hall sa Manila City Hall.

Umabot sa kabuuang P5,470,000 ang naipamahaging tulong nina Mayor Isko at Mayor-elect Honey Lacuna sa mga apektadong pamilya mula sa 20 barangay na nasa anim na distrito ng lungsod, kabilang na ang Baseco Compound sa Tondo.

Kinabibilangan ito ng 151 pamilya mula sa Unang Distrito; 184 pamilya sa Ikalawang Distrito; 104 sa Ikatlong Distrito; sampung pamilya sa Ika-apat na Distrito; 41 pamilya sa Ika-limang Distrito; 56 na pamilya sa Ika-anim na Distrito; at isang pamilya sa Baseco Compound.

Ayon kay Mayor Isko, ang mga pamilyang nawalan ng tirahan sa sunog na naganap ay tiyak na makakatanggap ng kaukulang tulong dito aniya sa Lungsod ng Maynila, at mayroon silang gobyernong matatakbuhan.

Bukod sa pinansiyal na tulong na tinanggap ng mga pamilyang nawalan ng tirahan, pinagkalooban din sila ng food packs ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pangunguna ni Director Re Fugoso.

Ayon kay Fugoso, karamihan sa mga ipinamahagi nilang tulong sa mga pamilyang patuloy na nanunuluyan sa mga covered court sa kani-kanilang barangay bunga ng kawalan ng tirahan ay nagmula sa iba’t-ibang non-government organization (NGO) na walang sawang tumutulong sa Maynila sa panahon ng pangangailangan ng mga residente.

AUTHOR PROFILE