Default Thumbnail

ISIS leader sa Pinas, amir ng ISEA; dedo sa Marawi City

June 14, 2023 Zaida I. Delos Reyes 176 views

PATAY ang itinuturing na leader umano ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS-inspired Daulah Islamiya (DI) sa Pilipinas at sinasabing overall amir ng Islamic State East Asia (ISEA), matapos manlaban sa operasyon ng pulis at militar nitong Miyerkules ng madaling araw sa Marawi City.

Kinilala ni AFP (Armed Forces of the Philippines)-Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) Chief Lt. Gen. Roy Galido ang napatay na si Faharudin Hadji Benito Satar, kilala bilang “Faharudin Pumbaya Pangalian,” “Fahar Pumbaya Pangalian,” na may alyas na “Abu Zacharia.”

Ayon sa ulat ng AFP-Westmincom, naganap ang insidente dakong 1:30 ng madaling araw (Hunyo 14) sa safehouse ng terrorist leader na matatagpuan sa Barangay Bangon, Marawi City.

“Based on the report from the ground, Faharudin Hadji Benito Satar/Faharudin Pumbaya Pangalian/Fahar Pumbaya Pangalian, a.k.a. Abu Zacharia, Amir of the Daulah Islamiyah-Philippines and Overall Amir of the Islamic State-East Asia was successfully neutralized after resisting arrest during a joint law enforcement operation conducted at his safe house in Barangay Bangon, Marawi City, Lanao del Sur at about 1:30 in the morning, Wednesday,” pahayag ni Galido.

Pinasok umano ng mga sundalo at pulis ang safehouse ni Abu Zacharia upang maghain ng warrant of arrest subalit nakatunog ito at nanlaban sa mga awtoridad.

Dalawang 60mm mortar at dalawang granada ang inihagis ni Abu Zacharias sa tropa ng gobyerno dahilan upang gumanti ng putok ang mga ito na naging sanhi ng pagkamatay ng terrorist leader.

Isang sundalo rin ang nasugatan sa 10-minutong palitan ng putok.

Dakong 6:00 ng umaga naman nagsagawa ng follow-up operation ang militar sa Bangon, Marawi City na nagresulta naman sa pagkamatay ni Joharie Sandab alias Morsid, sub-leader at amir for finance and logistics ng teroristang grupo.