Default Thumbnail

Isalang na rin sa bakuna ang mga teenager sa bansa!

May 24, 2021 Marlon Purification 663 views

BAKUNA ang solusyon upang makabalik tayong lahat sa normal ang pamumuhay at tuluyang malagpasan ang krisis dulot ng COVID-19.

Kaya naman tinatarget ng pamahalaan na mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong indibidwal ngayong taon upang makamit na ang tinatawag na herd immunity.

Kung ganito karami ang target natin, natural na dapat maisama sa babakunahan ang ating kabataan na ang mayorya ay umaasam na makabalik sa face-to-face classes.

Dahil dito, sinabi nina Senador Sonny Angara at Senador Sherwin Gatchalian na dapat matuto rin ang Pilipinas sa mga pamamaraang isinagawa sa ibang bansa tuald ng Estados Unidos hinggil sa pagpapabakuna sa mga teenagers.

Sinabi ni Angara na sa pamamagitan ng pagbabakuna sa school-age children, matitiyak na ang proteksyon sa malawak na populasyon sa bansa.

“Yung nasa basic education natin, mga 28 million sila. Yung nasa tertiary, mga 3.4 million. If combined, their total population would put them in the Top 50 countries. Bigger than Australia’s 25 million,” saad ni Angara.

“Outsmarting the virus requires the vaccination of students. There will be no return to normalcy, no herd immunity if they are not vaccinated,” dagdag pa ni Angara.

Iginiit naman ni Gatchalian na ngayon pa lamang ay dapat nang maglatag ng sistema ang mga lokal na pamahalaan para sa pagbabakuna sa kabataan.

“Ngayong nakikita na natin ang posibilidad na mababakunahan ang ating mga kabataan kontra COVID-19, dapat simulan na rin natin ang paghahanda ng ating mga lokal na pamahalaan upang maayos at mabilis na maipamahagi ang mga bakuna sa mga kabataan,” saad ni Gatchalian.

“Kung mababakunahan na rin natin ang mga kabataan, tataas ang kumpiyansa nila at ng kanilang mga magulang na bumalik sa kanilang mga paaralan,” dagdag pa nito.

Sa pinakahuli ring pahayag ni Angara na siyang chairman ng Senate Committe on Finance, ngayon pa lamang ay talakayin na dapat ng Kongreso ang paglalaan ng pondo sa pagbili ng mga bakuna na ituturok sa mga kabataan.

“Kailangang gawing prayoridad ‘yan sa 2022 budget dahil wala pong allotment sa 2021 budget. ‘Yung P82.5 bilyonsa Bayanihan 2 ang intensyon ay para sa mga adult population ng ating bansa pero kung may naiwan doon pwedeng umpisahan kung sakali,” pahayag ni Angara.

Bukod sa 2022 National Budget, iginiit ng senador na maaari ring ikonsidera ang bakuna para sa kabataan sa ilalim ng Bayanihan 3.

“Ang rason natin dito para maumpisahan ang face-to-face para makasiguro rin ang mag magulang na safe ang kanilang mga anak,” diin ni Angara.

Sa matinding krisis na pinagdaraanan ng bansa, dapat advance mag-isip ang ating gobyerno at maging one step ahead para matagumpay nating malagpasan ang problemang ito.

Umaasa tayo na magiging mabilis ang desisyon ng ating Inter Agency Task Force para naman tulad sa ibang bansa kahit paano ay makahinga na nang maluwag ang ating kabataan.