Elvi Isabelle Daza/IG

Isabelle Daza naglunsad ng fundraising para sa battered DH

September 9, 2023 People's Tonight 194 views

ISANG inisyatibo ang ginawa ng aktres na si Isabelle Daza upuan matugunan ang ilang pangangailangan ni Elvie Vergara, isang domestic helper mula sa Occidental Mindoro na naging biktima ng pang-aabuso mula sa kanyang mga dating amo

Sa kaniyang Instagram post, ibinahagi ni Isabelle ang kwento ni Vergara pati na rin ang mga detalye tungkol sa fundraising campaign.

Ayon sa aktres, si Elvie Vergara ay isang kasambahay na umano’y madalas na binubugbog at pinagsasalitaan ng masama ng kanyang mga amo, hanggang sa mawalan siya ng paningin sa parehong mga mata.

Kasalukuyang naghahanda si Vergara para sa isang operasyon sa isa sa kanyang mga mata upang subukan na ibalik ang kanyang paningin, ngunit walang kasiguraduhan sa resulta.

Dagdag pa ni Isabelle, hindi raw natatanggap ni Vergara ang kanyang buwanang sahod na ₱5,000 mula sa kanyang mga amo dahil sa mga baseless na paratang laban sa kaniya, tulad ng pagsabog daw niya ng telebisyon ng mga ito.

Sinabi ni Isabelle na ang gobyerno ay kasalukuyang tumutulong para maibalik ang sahod ni Vergara at mabigyan siya ng hustisya, ngunit mahabang proseso ito na puno ng mga papeles, at kinakailangan niyang matulungan ngayon.

Kaya naman naglunsad si Isabelle ng fundraising campaign upang matulungan si Vergara na makabangon mula sa mga pang-aabuso at mabigyan siya ng pangunahing pangangailangan tulad ng tirahan, pagkain, at tulong medikal. Ilan naman sa agarang tumulong ay ang mga kaibigan nito na sina Anne Curtis, Iza Calzado, at Solenn Heussaff.

Sa ngayon, umabot na sa ₱737,125 ang nakolekta mula sa nasabing fundraising campaign.

Kamakailan lang, nagkuwento si Vergara sa Senado ukol sa mga pang-aabuso na naranasan niya mula sa kanyang mga dating amo. Ilan sa mga pang-aabuso na naranasan nito ay ang panununtok at pag-uuntog ng kanyang amo sa ulo nito sa pader ng palikuran.

AUTHOR PROFILE