Isa sa dalawang inakusahan ni Sandro kilala’t nakatrabaho ni Niño
Umiiyak na ikinuwento ni Niño Muhlach ang sinapit ng anak na si Sandro Muhlach sa Senate hearing on policies of television networks, artist management agencies kahapon ng umaga.
Mapapanood sa video na ipinost ng ABS-CBN ang pagbe-breakdown ng dating child wonder sa hearing habang inilalahad ang nangyari sa anak.
Ayon kay Niño, labis siyang nasaktan nang ikuwento sa kanya ng anak ang diumano’y pang-aabuso ng dalawang “independent contractors” ng GMA network na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
“Para makita mo ‘yung anak mo na nanginginig at hindi niya halos mahawakan ‘yung telepono niya,” umiiyak na sabi ng dating child wonder.
Aniya, ang akusadong si Jojo ay katrabaho pa nila ni Sen. Bong Revilla sa “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.”
“Siya po ‘yung headwriter namin at sobrang galang ko sa kanya, sobrang respeto ko sa kanya. ‘Pag may mga events kami, ako pa ‘yung unang lumalapit sa kanya at ‘Sir Jojo’ pa nga ang tawag ko sa kanya,” emosyonal pang wika ni Onin.
“Kaya hindi ko talaga matanggap na nagawa niya sa anak ko,” he added.
“Sobrang sama ng loob ko talaga kay Jojo Nones. Kung makita n’yo lang po ‘yung anak ko talaga, kung paano niya ikinuwento sa akin,” patuloy ni Onin.
Hindi raw sa kanya unang ikinuwento ni Sandro ang nangyari kundi sa kapatid nitong si Alonzo na dati ring child actor.
“Sinabi sa akin ni Alonzo na sinabihan daw siya ng kuya niya na ‘bro, sana ‘wag mangyari sa ‘yo ‘yung nangyari sa akin,’” ani Niño.
“Nakakasama lang talaga ng loob dahil kung kaya nilang gawin sa… hindi ko naman po binubuhat ‘yung aking bangko pero sa isang pamilya na talagang malaki na ang kontribusyon sa industriyang ito, what more sa iba? What more sa mga baguhan?” tanong niya.
Ngayon, binabaligtad pa raw ng mga akusado ang nangyari.
“Nakakasama lang ng loob na kung sino pa ‘yung may sala, ‘yun pa ‘yung nagagawang magbaligtad ng istorya,” himutok ni Onin.
ABOGADANG ANAK NI SEN. BONG TUMULONG KINA NIÑO AT SANDRO
Sa Senate hearing kaugnay ng imbestigasyon sa alleged sexual harassment ng dalawang “independent contractors” kay Sandro ay nagsalita rin si Sen. Bong.
“Walang puwang sa isang sibilisadong lipunan ang kahit anong mukha ng pang-aabuso – pisikal, sekswal, emosyonal, psychological man,” aniya.
Ikinuwento niya na personal na lumapit sa kanya si Onin at ipinagtapat ang nangyari.
“Si Niño po ay walang inililihim sa akin at personal siyang lumapit tungkol dito and shared with me in confidence ‘yung kanilang pinagdadaanan,” pahayag ni Sen. Bong.
Ang anak niyang abogada ay tinulungan din si Niño at inilatag sa ama ni Sandro ang mga legal action na kaakibat nito.
“Alam natin kung gaano kaselan ang sitwasyon. Napakasensitibo po ng mga naganap kaya naiintindihan natin kung kailangan nilang iproseso ang mga bagay at ang mga nararamdaman,” aniya.
“At nu’ng sinabi po nila sa akin na gusto nilang lumapit sa pamunuan ng GMA, ginawan ko po ‘yun ng paraan upang makausap nila in confidence. Na siya naman mismong request nila,” dagdag ni Sen. Bong.
Sa isinasagawang hearing ng Senado kaugnay ng kaso ni Sandro, ang pinakamahalaga raw ay ang kapakanan ng apektado kasama na ang layunin na wala nang maging biktima muli at hindi na ito maulit.
“We are not here to pass judgment. Kung sinuman ang nagkasala, marapat lamang na magkaroon sila ng tapang sa ngipin ng batas na kanilang nilabag. At tayo naman na naririto upang mas mapatalim ang pangil ng batas at siguruhing mapapanagot ang mga akusado kahit sino pa man ito,” pagtatapos ni Sen. Bong.