
Parusang death penalty bubuhayin, papanukala ni Tolentino
NAGPAHAYAG ng paniniwala si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na panahon na upang mapatawan ng pinakamabigat na parusang kamatayan ang mga kriminal na nakakagawa ng karumaldumal na krimen.
Sa kanyang pagdalo sa Seminar at Training ng Northern Samar Philippine Councilors League na ginanap sa isang hotel sa Paranaque City, hayagang sinabi ni Tolentino ng kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na sakaling palarin na mahalal muli sa Senado, isusulong niya ang panukalang batas na magbabalik sa parusang kamatayan.
Sinabi ng Senador na wala ng takot ang mga kriminal na gumawa ng karumaldumal na krimen dahil walang naghihintay na parusang kamatayan sa kanila oras na madakip at mahatulan ng pinakamabigat na parusang habambuhay na pagkabilanggo.
Binanggit pa niya na dati namang may umiiral na batas sa bansa na nagpapataw ng parusang kamatayan hanggang ibasura ito ng Saligang Batas noong 1987 at muling ibinalik ng taong 1993 sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos bunga ng pagtaas ng krimen sa bansa.
Gayunman, muling naibasura noong taong 2006 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ang ipinalit ay parusang habambuhay na pagkabilanggo.
Binigyang diin ng Senador na sa kasalukuyan, hindi naman ipinagbabawal ng Saligang Batas ang pagsusulong ng batas na magpapataw ng parusang kamatayan at ito aniya ay kanyang ipapanukala sa paniwalang dapat ng kalusin ang mga kriminal na walang pakundangang gumawa ng nakakarimarim na krimen.