Default Thumbnail

Ipagtanggol ang Masungi Protected Area

September 23, 2022 Joey C. Papa 267 views

JoeyMatagal na ang kontrobersyal na isyu ng Masungi Georeserve Foundation sa Baras Rizal.

Subalit tila hindi matigil-tigil ang isyu ng pagpasok ng mga taong may interes sa pag-okupa sa mga lugar ng kabundukang ito upang gawing komersyal na gamit sa negosyo.

Protektado ang kabundukang ito at pag-aari ng estado kung kaya’t walang sinumang business interest ang maaaring magmay-ari ng kabundukang ito.

Sabi nga ng isang dating opisyal ng Department of Environment and Natural Resources, “ it is beyond the commerce of men,” paalala niya noon.

Ngunit tila hindi naiiintidihan ng ilang mga kababayan natin ang pangangalaga at pagtatanggol sa Inang Kalikasan at pilit na inaasinta ang tulad ng Masungi upang tayuan ng negosyo.

Kailan lamang ay napaulat na may 30 armadong kalalakihan ang sumalakay sa at nagkampo sa paligid ng Masungi Georeserve sa Baras Rizal.

Hindi maintindihan ng mga volunteers ng Masungi kung bakit may mga armadong lalaki at bakit kailangang paikiutan nila ang Masungi Georeserve gayong hindi naman sila pulis at wala naming kaguluhang nagaganap sa nasabing lugar.

Ang mga armadong kalalakihan umano ay ipinadala ng isang security agency sa utos umano ng isang retiradong opisyal ng militar na nagsasabing kanya umano ang kabundukang ‘yon.

Alam naman ng DENR na titulado ang Georeserve sa estado o pamahalaang Pilipinas at hindi naman ito ipinagbibili at hindi rin puwedeng ipagbili sapagkat ito’y bahagi ng pananggol natin sa mga kalamidad tulad ng baha na apektado ang buong Kamaynilaan.

Kailangang kumilos agad ang pambansang pamahalaan at maging ang lokal na pamahalaan bago pa lumala ang nangyayaring ito sa Masungi Georeserve.

Hindi biro na magpadala ng sandamakmak na armadong tao sa isang lugar na napakalapit lamang sa Kamaynilaan na hindi nalalaman ng ating kapulisan.

Bago pa mahuli ang lahat, kailangang paalisin ang mga armadong lalaki at alamin kung sino ang tunay na nasa likod ng kanilang”pagsalakay” sa palibot ng Masungi Georeserve.”

Kailangan ding marahil linawin ng DENR kung ano ang kalagayan ng ating mga protected area.

Bakit tila ang mga lugar na ito ang tinatambakan ng mga negosyong hindi naman kailangan ng mga tagaroon sa komunidad.

Katulad ito ng Tanay Rizal na ayon sa isang residente ay ginawa na raw umano ang bayan na ito ng isang “tourism area? Totoo po ba ito?

Ang Tanay Rizal ay isang protected mountain area tulad din ng iba pang ;ugar sa Rizal dahil ang mga lugar na ito ay nasa bulubunduking lugar.

Tila ba “cash register” ang nakikita ng ilang mga negosyanteng Pilipino sa ating Inang Kalikasan kahit na magka-delubyo na sa ating kapaligiran.

Kilos DENR.

AUTHOR PROFILE