Default Thumbnail

Ipaglaban ang free college education program

September 7, 2023 Mario Fetalino Jr. 249 views

Mario FetalinoSANG-AYON ako sa Commission on Higher Education na walang basehan upang ibasura ang free college education program sa bansa.

Mahalaga and edukasyon sa kinabukasan ng ating bayan.

Iminungkahi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na alisin na lamang ang programa dahil marami naman raw benipisaryo nito ang sumusuko sa pag-aaral.

Dahil dito, nasasayang lang ang pondo ng gobyerno na nakalaan sa programa, ayon kay Diokno.

Ang free college education program ay binigyan daan ng Universal Access to QualityTertiary Education Act.

Ang batas ay naipasa nuong 2017 sa ilalim ng pamahalaan ni President Rodrigo Duterte.

Isang malaking tagumpay ang pagkakapasa ng batas para sa mga mahihirap na estudyante at pamilyang Pilipino.

Para kay CHED chairman Prospero De Vera II, imbes na tunawin ang programa ay tulungan na lamang ang mga estudyante na lutasin ang kanilang mga problema na dahilan ng kanilang pag-drop out.

Kinilala ni De Vera ang mga problema na ito tulad ng kawalan ng baon, pamasahe, pambayad ng upa sa tirahan at ibang pang gastusin na hindi kayang tustusan dahil sa kahirapan.

Sinisi rin ni De Vera ang Covid 19 pandemic na lubhang nakaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Naniniwala ako na dahil sa pandemya, maraming mahihirap na pamilyang Pilipino ang lalung naghirap at mas lalung nabawasan ang kanilang kakayahan upang tustusan ang pangangailangan ng kanilang mga anak na nag-aaral kahit pa ang mga ito ay iskolar ng bayan.

Kaya nararapat lamang na mas palawigin pa ng goberyno ang mga programa nito upang maayudayan ang mga dukhang Pilipino kabilang na ang mga mahihirap na estudyante na ang tanging pag-asa lamang para umunlad ang kanilang kabuhayan ay libreng edukasyon.

Naiintindihan naman natin si Diokno na ang tanging layunin lamang ay magamit sa tamang paraan ang pondo ng bayan na kasalukuyang nagsusumikap na makabangon mula sa pagkalugmok bunsod na rin ng pandemya at iba pang paghamon.

Ngunit ang edukasyon ay isang prayoridad na kailan man ay hindi dapat makukumpromiso dahil nakasalalay dito ay kinabukasan ng bayan.

Para naman sa mga benipirsaryo ng free college program, mahalaga na tanawin nila ang programa na isang mahalagang pagkakataon upang mapagtagumpayan ang hamon ng kahirapan.

Dapat nila itong pangalagaan at ipaglaban sa harap ng mga pagsubok.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]

AUTHOR PROFILE