
Inuman sa bahay binulabog ng gunman, 2 lalaki patay!
PATAY ang dalawang lalaki nang bulabugin ng armadong suspek ang isang inuman sa loob ng bahay sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU), nangyari ang pamamaril sa loob ng isang bahay sa Kaliraya street, Barangay Tatalon pasado alas dos ng madaling araw.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipag-inuman umano ang isa sa mga biktima na si Lhennard Fernandez, 24, kasama ang apat na katao nang biglang pasukin ng suspek ang nasabing bahay.
Agad umanong binaril ng hindi pa nakikilalang suspek ang biktima na tinamaan sa ulo at katawan.
Ligtas naman ang mga kainuman ng biktima ngunit tinamaan umano ng ligaw na bala ang kapaitbahay ni Fernandez na si Henry Gopo, 30 na natutulog umano.
Agad na dinala ang dalawang biktima sa Delos Santos Medical Center ngunit idineklara silang dead on arrival.
Inilawaran ng mga testigo ang gunman na nakasuot ng kulay itim na tshirt, maong short pants at itim na helmet.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya.