Default Thumbnail

Inuman nauwi sa patayan

June 28, 2022 Melnie Ragasa-limena 340 views

PATAY ang isang basurero nang barilin ng kaniyang kainuman sa Quezon City, noong Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Harold Gallano Maceda, 41, binata, at residente ng 228 G. Araneta Avenue, Brgy. Talayan, Quezon City.

Kinilala naman ang suspek na may mga alyases na “VAL” “TOTO” “MUSLIM” BANAJERA, na tumakas matapos ang pamamaril.

Batay sa naantalang report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 9:30 p.m. (June 26) nang maganap ang insidente sa 228 G. Araneta Ave. malapit sa kanto ng Alison St., Brgy. Talayan, sa lungsod.

Ayon sa imbestigasyon ni PCpl Rasul Monib, nakikipag-inuman umano ang biktima sa kaibigan na nakilalang Bryan sa kaniyang Nipa Hut nang sumulpot ang suspek na sakay ng motorsiklo.

Niyaya pa umano ng biktima ang suspek na uminom na pinaunlakan naman ng huli at nagbigay pa ng perang pambili ng alak.

Agad na umalis ang biktima upang bumili ng alak sa tindahan pero lingid sa kaniyang kaalaman na sinundan siya ng suspek at saka malapitang binaril sa likod ng ulo habang naglalakad.

Bagamat duguan nang nakabulagta ang biktima ay hindi pa nakuntento ang suspek at ilang beses pa itong pinaputukan sa iba’t ibang bahagi ng katawan saka tumakas sakay ng motorsiklo.

Naisugod pa ng kaanak ang biktima sa Chinese General Hospital subalit binawian din ito ng buhay bandang 11:03 ng gabi, ayon kay Dr. Francene Thea Chan.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamasalang habang pinaghahanap pa ang nakatakas na salarin.