Default Thumbnail

Inton: No contact apprehension naabuso ng pasaway na drivers

May 12, 2021 Jun I. Legaspi 475 views

ANG no-contact apprehension policy ay “naabuso” ng mga pasaway na drivers, ayon sa isang commuter at transport groups advocate.

Ito ang sinabi ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) habang idiniin niya na panahon na umano para amyendahan ang policy na ito.

Ayon kay Inton inuulan hanggang ngayon ng reklamo ang LCSP. Sinabi niya na hiling ng grupo sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) na ayusin agad ang nasabing policy.

“Agrabyado ang mga operators at pinagsasamantalahan ng mga pasaway na drivers,” saad ni Inton.

Ayon kay Inton, maganda ang no-contact apprehension system upang ma-apprehend ang mga traffic violators. Mas malawak ang coverage, nababawasan ang mga corruption at bawas ang face-to-face ng enforcer at motorista.

“Pero may nakita pong problema na sana ay maresolbahan. Sa no-contact ay hindi yung driver ang nabibigyan ng violation notice kundi ang may ari ng sasakyan base sa plate number,” puna ni Inton.

“Dito umaaray ang mga operators. Lalo na mga taxi operators dahil sa dangkal-dangkal na violation slips ang natatanggap nila at kung hindi mababayaran ay apektado ang rehistro ng kanilang mga units dahil nakaalarma ito sa LTO. Sino ba ang traffic violator – yung driver o operator? Driver dapat ang magbayad ng multa dahil siya ang violator pero malimit ay iniiwan na lang ng driver ito dahil nga sa wala silang naibabayad na P2,000 to P3,000 na laki ng multa. Kawawa ang operator dahil para mairehistro ang kanyang sasakyan ay babayaran nya na lang ang penalty na dapat ay sa kanyang driver. May isang driver nga na ang iniwan na no-contact penalty ay umabot sa P44,000,” sinabi pa ni Inton.

Dagdag pa ni Inton na mas maraming pasaway na driver na binabalewala ang mga traffic violation dahil operator naman niya ang hahabulin.

“Kung franchise violation tulad ng overcharging ng passenger ang minumultahan ng LTFRB ay ang operator at nire-rekomenda sa LTO na i-suspend o i-revoke ang lisensya ng driver. Pero iba ang franchhise violation sa traffic violation – sa traffic violation, driver lang ang nag-violate at hindi ang may ari ng sasakyan. Tuloy ang magandang hangarin ng pagkakaroon ng no-contact apprehension ay napapalusutan ng mga pasaway. Dapat siguro ay tingnan ng LTO at LGU ang mga sumbong ng mga operator para hindi naman maapektuhan ang rehistro ng kanilang sasakyan at madisiplina na rin ang mga pasaway na driver, ” paliwanag ni Inton.

AUTHOR PROFILE