International Women’s Day sa Marso 8

March 5, 2022 Magi Gunigundo 580 views

Magi GunigundoANG tema sa pagdiriwang ng International Women’s Day 2022 na “Pagkakapantay-pantay ng kasarian ngayon para sa isang napapanatiling bukas” ay nagbibigay diin sa katotohanan na ang isang bansa na walang ispasyo para sa kababaihan ay nananatiling pulubi at patuloy na hindi makakaahon sa kahirapan (Worldbank.org, Sept 10,2015). Batay sa mga pagsasaliksik, ang ugnayan ng laban sa kahirapan at pagkakapantay-pantay ng kasarian ay malakas. Ang mga babae ay nabubuhay ng mas matagal kesa dati at may lakas na lumahok sa ekonomiya ng bansa kung pinapayagan silang pumili ng kanilang trabaho, magkaroon ng akses sa serbisyo sa pananalapi, at pinagtatanggol ng batas sa karahasan sa tahanan. Halos 1.8 % percentage points ng GDP ng isang bansa ang maaaring mabawas kung may mga patakaran ng diskriminasyon sa mga kababaihan sa edukasyon, kalusugan, trabaho, pulitika, negosyo at mga karapatan sa tahanan at sa lipunan.

Bagamat malayo na ang narating ng kilusan para mawasak ang diskriminasyon laban sa mga kababaihan, ang sigaw ng 15,000 kababaihan noon 1908 na nagmartsa sa mga lansangan ng New York City ay nananatili pa rin mga isyu magpasahanggang ngayon sa maraming bansa: mas maikling oras ng trabaho , mas magandang suweldo at karapatan sa pagboto.

Ngayon 2022, mas maraming kababaihan ang nasa posisyon ng mga lupon ng mga korporasyon, higit na pagkakapantay-pantay sa mga karapatan sa batas, at pagkilala sa mga kababaihan bilang mga kahanga-hangang huwaran sa bawat aspeto ng buhay. Subalit ang nakalulungkot na katotohanan ay hindi pa rin binabayaran ng pantay ang mga kababaihan kung ikukumpara sa kanilang mga katapat na lalaki. Ang mga kababaihan ay hindi pa rin naroroon sa pantay na bilang sa negosyo at pulitika, at sa buong mundo ang edukasyon ng kababaihan, kalusugan at karahasan laban sa kanila ay mas malala kaysa sa mga lalaki.

Dito sa Pilipinas, walang diskriminasyon sa pagtanggap ng mga batang babae sa sektor ng edukasyon bagamat mayroon pa rin nananatiling hindi nakasulat na patakaran ng pagkiling ng mga kolehiyo sa medisina at abogasya na mas gusto ang lalaking estudyante na tanggapin sa programa dahil sa pananaw na sayang kung sa babaeng estudyante ibibigay ang ispasyo sapagkat maaaring hindi na ito magpraktis bilang doktor o abogado kung sakaling mag-asawa na ito at hindi pinahintulutan ng esposo mag trabaho. Gayunpaman , sinasabi ng Art.73 ,Family Code na hindi kailangan ang pahintulot ng asawa para magpraktis ng propesyon maliban na lamang kung may mabigat at seryosong dahilan na aaralin ng hukuman kung tama.

Mayroon na tayong batas laban sa marital rape ( Section 266-A, Revised Penal Code as amended by RA 8353[ Anti Rape Law of 1997] ; People v Jumawan, GR No, 187495, April 21, 2014) at Violence against Women and Children ( RA 9262). Nagkaroon na rin tayo ng mga babaeng naging Pangulo ng Pilipinas, at nahalal o nahirang sa mga mataas na posisyon sa pamahalaan.

Mayroon isang mahalagang dokumento na nasa Benavides Library ng UST- isang kasunduan ng bilihan ng lupa sa pagitan ng dalawang babae na nakasulat sa baybayin sa pantay pantay ng sukat at lapad ng pira- pirasong kawayan na binigkis para magsilbing papel na naganap sa Tongdo bago pa dumating ang mga kastilang mananakop sa Pilipinas. Mahalaga ito sapagkat malalim ang ipinapahiwatig nito. Una, patunay ito na sibilisado ang mga sinaunang Pilipino sapagkat mayroon silang sariling wika at sulat. Pangalawa, ang mga kababaihan ay marunong bumasa. Pangatlo, ang mga babae ay may karapatan magmay-ari ng lupa at magbenta nito. Kabaligtaran ito ng paratang ng mga banyagang mananakop na mga mangmang at walang sibilisadong pamayanan ang sinaunang Pilipino. Ang pagpasok ng mga kastila sa Pilipinas ang nagwasak ng pagkapantay pantay ng kasarian at nagpamangmang sa mga Pilipino.

Mapalad ang mga kababaihan na isinilang sa Pilipinas na mas maraming karapatan kumpara sa mga kababaihan na masahol ang diskriminasyon na nararanasan sa Yemen, Pakistan, Syria, Chad at Iran. Alang-alang sa ating mga anak at apong babae, makiisa tayo sa kilusan para mawala ng lubos ang diskriminasyon laban sa kababaihan upang mabilang ang Pilipinas sa Iceland, Norway , Finland, Sweden at Ireland na mga bansang pinakapantay ang tingin at trato sa lahat ng kasarian.

AUTHOR PROFILE