Default Thumbnail

Insurance Commission, walang magawa sa legal robbery!

December 5, 2022 Allan L. Encarnacion 491 views

Allan EncarnacionPasensiya na sa maraming nag-aalok sa akin ng insurance.

Ang problema ko kasi sa mga insurance dito sa atin, nakaluhod kapag nagso-solicit pa lang pero nakaangil kapag kailangan mo na sila!

Hindi ko alam kung bakit ganoon ang naging kalakaran dito sa insurance dito sa ating bansa. Palagi tayong binabarubal ng mga insurance company sa tuwing sila na ang kailangang magserbisyo.

Pero kapag nangungulekta ng premium, kulay rosas ang paligid subalit impiyerno na kapag ikaw na ang may kailangan sa kanila.

Pirmahan nyo lang yan kami na bahala, iyon ang linya sa umpisa. Penge lang po ng ID nyo, sabi pa nila.

Subukan mong kumulekta na, ang unang hahanapin sa iyo, birth certificate ng lolo’t lola mo!

Hindi natin alam kung bakit walang ginagawa ang Insurance Commission sa ganitong sistema. Parang iyong College Assurance Plan namin para sa dalawang anak ko, nalusaw ang mahigit P400,000 nang walang napakinabangan.

Naka-graduate na college ang dalawang barako ko, hayun, kahit singkong duling, walang naitulong ang CAP.

Ngayon naman iyong kaibigan ko, maturity na ng kanyang insurance worth P7 million pero ang katwiran sa kanya ng kompanya at ng IC, nasa 2016 pa lang ang inaasikaso ng insurance, nakapila pa ang 2022.

Hayup na sistema di ba?

Hangga’t hindi nagkakaroon ng matitinong Insurance Commission officials dito sa ating bansa, patuloy tayong wawalanghiyain ng mga insurance company na legal roberry ang ginagawa.

Gaano karaming tao na ang niloko ng mga insurance company pero wala pa tayong nabalitaang naupapakulong ng IC.

Inutil di ba?

***

Mabuti na lang umatras ang BFAR sa kanilang oplan tokhang laban sa mga pampano at salmon!

Hindi mura ang pampano kapag sa grocery ka bumili. Nasa P540 pero kilo kapag supermarket pero mga P350 to P400 lang sa palengke.

Kung aalisin nga naman sa palengke ang pampano, magiging anti-poor dahil hindi na maa-afford kapag sa supermarket na lang sila.

Para din kasing sakit ng tiyan ang mga polosiya ng BFAR, kung kailan lang nila maisipan tsaka nilang ipapatupad.

Dapat sa inyo pinupurga ng “pampaano” at hindi ng pampano!

***

At tuluyan na ngang nag-left the group si forrmer Congresswoman Naida Angping.

Kinumpirma ng palasyo na nagpaalam si Mam Naida na magpapahinga muna at maglalaan ng mas maraming time sa kanyang pamilya.

Kumusta naman kaya si Ambassador Harry?

May balitang magiging ambassador si Madame sa Portugal pero hindi siya kasama sa mga nanumpa sa palasyo noong nakaraang linggo. Ano kaya nangyari?

Palalim nang palalim ang mga isyu ha.

***

Maraming senador ang reeleksiyunista sa 2025.

Medyo mabigat ang laban nila dahil karaniwang ang midterm ay kandidato ng administrasyon ang mas malaking advantage.

Ang midterm ang timbangan palagi ng incumbent administration dahil iyong performance nila ang magiging campaign springboard ng mga magiging kandidato nila.

Noong midterm nila Noynoy at Digong ay naging matagumpay ang kanilang senate tickets.

Kaya ngayon pa lang, sa ganito kaaga ay may mga nagpapalakas na sa admin para maging bahagi sila ng tiket.

Crucial ito sa ilang reelectionists dahil may ilan sa kanila ang malabo nang makabalik dahil una, walang napatunayan, pangalawa, basyo, pangatlo, halatang naninimbang kung didikit at o hindi sa admin.

Abangan.

[email protected]

Opinion

SHOW ALL

Calendar