Instant kopi, instant noodles at instant justice
DAHIL mahalaga ang bawat oras, nauso ang instant kopi, instant noodles, at instant justice sa panahon ng administrasyong Duterte.
Marami ang nagtatanong saan magtatapos ang pagsisiyasat ng Malaking Kapulungan at Senado sa nakaraang digmaan laban sa iligal na droga ng nakaraang administrasyon.
Ang mga pagsisiwalat ng mga “resource persons” ng kanilang bersyon ng katotohanan ay nakakagulat, nakapag-aalis ng duda, at tinutulak ang mga Pilipino na magmuni muni kung ano ang maging kalalagyan ng bansa- isang Kristiyanong bansa na pina-iiral ang kaparaanan ng batas o kaparaanan ng nakaupo na mabilis ang resulta dahil walang paglilitis.
Sa kaso ng Anna May Baquirin et. al. vs. Ronald M. dela Rosa (G.R. 233930, 11 Hulyo 2023), tinanggihan ng Korte Suprema ang petisyon para sa “writ of continuing mandamus” na inihain ng limang “ concerned citizen” at miyembro ng Integrated Bar of the Philippines. Hiniling ng mga Petisyoner sa Korte Suprema na utusan sina Philippine National Police Director-General Ronald M. dela Rosa(ngayon ay kasalukuyang Senador), Commission on Human Rights chairperson Jose Luis Martin C. Gascon (ngayon ay namatay na), at Department of Justice Kalihim Vitaliano Aguirre II (sama-sama, “Mga Respondente”) na supilin, imbestigahan at usigin ang mga pulis na sangkot sa hindi makataong “extrajudicial killings” sa ilalim ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel na bahagi ng digmaan laban sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.
Ipinamamarali ng mga Petisyoner na ang mga Respondente ay nagpapabaya at bigo sa pagtupad ng kanilang tungkulin upang maiwasan ang mga paglabag sa karapatan pangtao at usigin ang mga pumatay sa libo-libong mga hinihinalang sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.
Hiniling din ng mga Petisyoner sa Hukuman na utusan ang mga Respondente, na magsumite ng mga pana-panahong ulat sa Korte Suprema tungkol sa (i) aktwal na bilang ng mga “extrajudicial killings” at ang kanilang mga kalagayan; (ii) ang pag-usad ng imbestigasyon ng bawat kaso hanggang sa makumpleto ang lahat ng pagsisiyasat at ang mga naaangkop na kasong kriminal ay maihain sa mga korte; at (iii) ang mga positibong hakbang upang maiwasan ang higit pang mga paglabag sa karapatan sa buhay at pagpapatupad ng mga ito.
Pinaliwanag ng Korte Suprema na ang isang writ of mandamus ay isang remedyo na ipinagkaloob lamang kapag ang alinmang opisyal ng pamahalaan ay labag sa batas na nagpapabaya sa pagganap ng isang ligal na tungkulin na may katapat na karapatan na tangan ng petisyoner.
Para mailabas ang isang writ of mandamus, ang mga sumusunod ay dapat na mapatunayan ng petisyoner : (1) isang malinaw na ligal na karapatan ng petisyoner; (2) isang katapat at kaugnay na tungkulin na ipinag-uutos ng batas sa respondente; (3) napabayaan ng respondente na gawin ang naturang gawain; (4) ang tungkulin ay ministeryal, at hindi diskresiyonari; at (5) walang ibang malinaw, mabilis, at sapat na lunas sa karaniwang kurso ng batas.
Sinabi ng Korte Suprema sa kaso ng Baquirin na hindi naipakita ang kapabayaan ng mga Respondente sa pagganap ng kani-kanilang tungkulin bilang mga pinuno ng PNP, DOJ at CHR, sa pagpigil at pag-iimbestiga sa mga paglabag sa karapatan pangtao. Ang tungkulin ng mga respondente ay hindi ministeryal- sapagkat kailangan nilang gamitan ng wasto at maingat na paghatol ang pagtupad sa tagubilin ng batas.
Sa pagwawakas, binigyang-diin ng Korte na hindi rin maaaring utusan ang mga Respondente na magsumite ng mga pana-panahong ulat sa Korte dahil ang naturang direktiba ay labag sa doktrina ng paghihiwalay ng mga kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan.
Tulad ng instant kopi at noodles na siksik sa asukal at asin na masama sa kalusugan, ang instant justice ay mapanganib din sapagkat walang tsek at balans ito dahil hindi ito sakop ng kaparaanan ng batas na nagtatakda ng paglilitis muna bago parusa. Mas mahalaga ang buhay ng bawat nilalang ng Diyos higit sa oras na matitipid at magtatapos sa balota ang istorya ng extra judicial killings ng Oplan Tokhang at Double Barrel.