
Inflation pababa na
Inaasahan ang paghina ng inflation sa bansa sa buwan ng Oktubre dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng bigas.
Mula 6.1 percent nuong Septiyembre ay nakikita ang pagbagsak ng headline inflation ngayong buwan na aabot lamang sa apat hanggang limang porsiyento.
Ito ay base na rin sa pag-aaral ng Oxford Economics na isang kilalang think tank.
Ayon sa economist ng naturang think tank na si Makoto Tsuchiya, tumaas ang inflation nuong Septiyembre dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas.
Ngunit matatandaan na dahil sa pagpapatupad ng rice price cap nuong nakaraang buwan at pag-aalis naman nito ngayong Oktubre ay nagsimulang sumemplang ang presyo ng bigas.
Ipinaliwanag ni Tsuchiya na nasa panahon lamang ng data collection ang dahilan kung bakit tumaas ang inflation nuong Septiyembre.
Aniya, iba sana ang naging pigura ng inflation kung ang nakalap na datos ay mula sa buwan ng Oktubre.
Ang mataas na inflation nuong Septiyembre ang sinasabing dahilan sa naging resulta ng survey ng Pulse Asia.
Tila naging sampal naman ang pag-aaral ng Oxford Economics sa survey na Pulse Asia dahil sa kumento ni Tsuchiya ukol sa ‘timing of data collection’.
Samantala, mainam ang pahayag ni President Ferdinand Marcos Jr. na ang tunay na ‘indicator’ ng kanyang pamamahala ay hindi survey kundi ang pagkakaroon ng abot-kayang bigas para sa sambayanang Pilipino.
Tumpak ang kanyang paniniwala na ang sapat na suplay at tapat na presyo ng bigas bunsod ng mga hakbang ng gobyerno ang dapat magsabi kung nasa tamang direksiyon ang kanyang pamamalakad.
Hindi maikakaila na naging epektibo ang price cap at iba pang mga paraan ng pamahalaan – pag-angkat ng bigas at pagsuporta sa lokal na produksiyon — sa pagpapababa ng presyo ng bigas.
Samantala, nakatakda namang ipatupad ng pamahalan ngayong buwan ang iba pang mga stratehiya upang matulungan ang mga magsasaka na kumita ng sapat.
Kabilang dito ang mga programa sa irigasyon, makabagong makinarya sa pagsasaka , murang pataba at mga pasilidad na kailangan pagkatapos ng anihan.
Sa kabila nito, nakatutukso pa rin itanong kung ano kaya ang naging resulta ng survery kung ginawa ito ngayong Oktubre?
Kayo na ang sumagot.
**
For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]