Indonesian investors maglalagak ng multibilyon-pisong puhunan sa PH
HANDANG magpasok ng multi-bilyong halaga ng pamumuhunan ang mga Indonesian investors na inaasahang makakaragdag sa paglago ng ekonomiya ng bansa at lilikha ng maraming trabaho sa mga Pilipino.
Ito ang tiniyak ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano matapos lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) ang Pamahalaang Lungsod ng Pasay at Indonesian government na kinatawan ng anim na malalaking negosyanteng Indonesian na maglalagak ng malaking puhunan sa bansa.
Naisakatuparan ang paghimok Indonesian government mamuhunan sa bansa ang malalaki nilang negosyante sa pamamagitan ng lokal na kompanyang Expedia Management Investment Inc. na may sangay ng tanggapan sa Indonesia at kinakatawan ng asawa ng alkalde na si Edgardo Rubiano.
Matapos ang isinagawang paglagda na sinaksihan nina Indonesian Ambassador to the Philippines Agus Widjojo, Mayor Emi at asawang si Edgar Rubiano, isa-isang inilahad ng mga ng mga lumahok na Indonesian investors ang kanilang mga produkto at negosyong ipapasok sa Pilipinas, kabilang ang retail business, food supplements at medisina, construction, agrikultura at iba pa.
Ayon kay Mayor Emi, ang pakikipagtulungan ng Indonesia ay magpapayaman ng higit pang malakas na ugnayang pang-ekonomiya ng dalwang bansa at inaasahang makakapag-ambag ng napakalaking paglago ng ekonomiya na aniya ay magiging dahilan upang tumaas ng hanggang 6% ang gross domestic products ng Pilipinas.
“Produkto ito ng economic relationship ng Indonesia at Pasay City sa pamamagitan ng Expedia Management Inc. kaya siyempre, uunahin natin ang mga taga-Pasay na magkaroon ng job opportunities at mag-negosyo para kung ano yung produkto natin na puwedeng dalhin sa Indonesia ay ating gagawin,” pahayag ng alkalde.