Indonesia, PH authorities pinasalamatan ni Sen. Risa sa pagtimbog kay Guo
PINASALAMATAN ni Sen. Risa Hontiveros ang mga awtoridad sa Indonesia at Pilipinas sa pagkakaaresto kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Isang matagumpay na hakbang ang pagkahuli kay Guo dahil sa pagtutulungan ng mga ito, ayon sa senador.
Magdudulot din ng kaliwanagan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay ng diumano’y pagkakasangkot ni Guo sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at human trafficking ang pagkakahuli niya.
Binigyang-diin ni Hontiveros na simula pa lamang ito ng mga kaso na kakaharapin ni Guo at nangako siyang papanagutin ang lahat ng indibidwal na tumulong sa pagtakas ni Guo mula sa Pilipinas.
“Kung sino man ang tumulong sa kanyang pagtakbo, ‘di namin kayo tatantanan,” ani Hontiveros.
Naaresto si Guo sa Tangerang City, Jakarta noong madaling araw ng Miyerkules at ngayo’y nasa kustodiya ng pulisya ng Indonesia.
Nakikipag-ugnayan na ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas at dadalhin siya sa Senado upang humarap sa imbestigasyon ukol sa kanyang pagkakasangkot sa ilegal na operasyon ng POGO at human trafficking.
Dahil sa iba’t-ibang gawain ng grupo ni Guo, nagpatong-patong na ang mga kinakaharap niya sa batas kasama na ang mga kaso ng graft, grave misconduct, tax evasion, human trafficking, sexual abuse at iba pang mga kasong kriminal.
Kinumpirma naman ni Sen. Sherwin Gatchalian sa mga mamamahayag ang pagkakaaresto kay Guo sa pamamagitan ng impormasyon mula sa NBI.
Pinuri rin niya ang parehong mga awtoridad ng Pilipinas at Indonesia sa kanilang matagumpay na pagtutulungan upang maaresto si Guo.