Default Thumbnail

Indian nat’l sugatan sa RIT sa Kyusi

February 24, 2023 Melnie Ragasa-limena 326 views

SUGATAN ang isang Indian national matapos pagbabarilin ng “riding-in-tandem” (RIT) habang papauwi na kasama ang pinsan na isa ring Indian matapos na makapaningil sa kanilang pautang sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Tinamaan ng bala sa kaliwang kamay ang 32-anyos na biktima, habang mabilis namang nakatakbo ang pinsan niya, kapwa nakatira sa Barangay Santol, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Galas Police Station 11, bandang 9:40 ng gabi (Pebrero 23), nang maganap ang insidente sa Brixton Hill sa kanto ng Landargon St., Bgy. Santol, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Ryan S. Guiquing, sakay ng Honda Beat na motorsiklo ang mga biktima at pauwi na sa kanilang tahanan nang sumulpot ang riding-in-tandem na noon ay nag-aabang na at pinagbabaril ang mag-pinsan.

Tinamaan sa kamay ang unang biktima habang mabilis namang nakatakbo ang kaniyang pinsan at nagpasaklolo sa mga awtoridad.

Agad namang tumakas ang mga suspek habang dinala naman sa San Juan Medical Center ang sugatang Indian national.

Nasamsam ng mga awtoridad sa lugar ng insidente ang apat na basyo ng cal. 9mm.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril matapos na wala namang wala namang natangay na pera ang mga tumakas na suspek.