Ina ng rape-slay victim humingi ng tulong sa PT para madakip ang salarin

September 12, 2021 Edd Reyes 259 views

DUMULOG sa People’s Tonight (PT) ang isang 50-anyos na ginang upang humingi ng tulong para sa muling ikadarakip ng lalaking gumahasa at pumaslang sa kanyang anak na naganap may limang taon na ang nakalilipas sa loob mismo ng kanilang tirahan sa Munisipalidad ng Gen. Tinio, lalawigan ng Nueva Ecija.

Sa mga ipinadalang dokumento ni Geraldine Padolina sa pamamagitan ng social media, nangyari ang krimen dakong alas-1 ng madaling araw ng Setyembre 26, 2016 nang pasukin ng salarin sa loob ng kanilang tirahan sa Brgy. Poblacion Central sa naturang munisipalidad ang kanyang 16-anyos na anak at sa pamamagitan ng dahas, hinalay bago pinagsasaksak hanggang sa masawi ang dalagita.

Nadakip naman kaagad ng pulisya si Patrick James Manuel bagama’t dahil noon ay 15-anyos pa lamang ang suspek, kinailangan siyang dalhin sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD habang inihahanda ang kasong rape with homicide laban sa kanya.

Bago isampa sa korte ang kaso laban sa binatilyo, iniutos ng Tagausig na ilipat siya sa pangangalaga ng Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) sa Magalang, Pampanga upang doon suriin ng mga social worker kung dapat siyang panagutin sa nagawang krimen.

Lumabas sa pagsusuri na batid na ng salarin kung tama o mali ang kanyang ginagawa kaya’t iniakyat ang kaso sa Regional Trial Court (RTC) ng Gapan City at bumagsak ang usapin sa sala ni Judge Mildred Villaroman-Hernal ng Branch 35.

Gayunman, ilang ulit na nakatakas sa RRCY si Manuel bagama’t muli siya nahuhuli hanggang ang pinakahuli ay sumuko at ikinatuwiran na nagpaalam umano siya at pinayagan namang makauwi sa kanilang bahay sa pangakong muling babalik.

Inamin din ni Manuel ang krimeng ginawa kaya’t nang ganapin ang promulgasyon sa kaso, sa halip na reclusion perpetua ay napatawan ng parusang pagkabilanggo si Manuel ng mula 11 hanggang 18-taon at pagbabayad ng kabuuang P130,000 bilang danyos noong Hulyo 4, 2019.

Dahil wala pa sa hustong gulang, sa halip na sa New Bilibid Prison (NBP) ay sa RRCY iniutos ng korte dalhin si Manuel na naging daan upang muli siyang makatakas kaya’t naglabas ng Warrant of Arrest ang korte noong Pebrero 11, 2020 para sa kanyang ikadarakip.

Ayon kay Geraldine, inakala nila na nakamit na nila ang hustisya sa ginawang pagpaslang sa Grade 11 na anak, na isang iskolar sa Gen. Tinio National High School, lalu na’t may utos na ang korte na ilipat na siya sa wastong pasilidad dahil nasa hustong gulang na subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin aniya nadarakip ang akusado.

AUTHOR PROFILE