Bala

INA NG 2-ANYOS DEDO SA LIGAW NA BALA

June 15, 2024 Christian D. Supnad 121 views

GERONA, Tarlac – Isang nanay ng dalawang taong gulang na bata ang namatay noong Biyernes ng hapon matapos siyang tamaan ng bala sa ulo sa isang police operation diumano rito.

Sa panayam ng media, sinabi ni Pilipina Gragasin, ang nanay ng biktima, na ang kanyang anak na si Jella Gragasin Calpito, 24-anyos at residente ng Barangay Dueg, San Clemente, Tarlac, ay namatay kaagad sa police operation malapit sa kanilang bahay sa Brgy. Sembrano.

“Ang aking anak na si Jella, dala dala ang kanyang anak na dalawang taong gulang, ay tumakbo papasok sa bahay namin matapos makarinig kami ng putok ng baril. Pero biglang bumagsak dahil tinamaan na pala ng bala sa ulo,” ani Pilipina na iyak ng iyak habang ini-interview ng media.

Isang police officer na ayaw banggitin ang pangalan ang nagsabi sa media na ang mga police operatives ay nagsasagawa ng “entrapment” sa suspected gunrunner sa lugar noong mangyari ang shooting incident.

Napagalaman ng media na si Calpito ay nagbabakasyon lamang sa tahanan ng kanyang lola sa Brgy. Sembrano nang mangyari ang insidente.

Ayon sa mga witness, bago ang shooting incident, si Calpito ay nakahiga lamang sa duyan kasama ang kanyang anak na maliit.

Nang makarinig ng putok ng baril, agad tumakbo papasok sa bahay ang biktima dala dala ang kanyang anak na maliit, ngunit bigla itong bumagsak matapos tamaan ng bala.

Siya ay idineklarang dead on arrival sa Tarlac Provincial Hospital sa Tarlac City.

Nanawagan ang pamilya ng nasawi kay Secretary Benhur Abalos ng Department of the Interior and Local Government para mabigyan ng hustisya ang biktima.