Ina ‘Hinataw sa ulo ng tubo’, dedo!

June 26, 2022 Melnie Ragasa-limena 64 views

Bangkay nakita ng 13-anyos na anak

NATAGPUANG patay ang isang 38-anyos na ginang na hinihinalang hinataw sa ulo ng isang tubo sa loob ng kaniyang tahanan sa Quezon CIty, nitong Linggo ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Cherlly Duero Vivo, 38, may asawa, housewife, tubong Negros Occidental at residente ng Road 6, Sitio Kumunoy, Bagong Silangan, Quezon City.

Sa report ng Payatas Police Station (PS-13), ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 6:30 a.m. (June 26) nang madiskubre ang duguang bangkay ng biktima na nakadapa sa loob ng kaniyang tahanan sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ng mga nagrespodeng sina PCpl Philip Callejo at Pat Jonald Landicho ng PS-13, paggising umano ng 13-anyos na anak ay pinuntahan nito ang ina sa silid pero bumungad sa kaniya na nakabulagta at umaagos pa ang dugo sa ulo ng biktima sa kama nito.

Agad na humingi ng saklolo ang bata sa kanilang mga kapitbahay at isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit idineklara na itong dead on arrival.

Nabatid sa pulisya na natagpuan sa tabi ng biktima ang isang tubo na may bakas ng dugo na hinihinalang ginamit na pang hataw sa biktima ng ‘di pa kilalang suspek.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung ano ang motibo sa naganap na krimen upang matukoy ang salarin.