Impressive ang class ABC votes ni Isko!

October 4, 2021 Marlon Purification 332 views

Marlon PurificationHANGGANG ngayon ay pinag-uusapan ang pinaka-latest result na inilabas ng Pulse Asia Survey.

Isinagawa ito noong Setyembre 6-11.

Nangunguna pa rin si Davao City Mayor Sara Duterte na nakakuha ng 20 percent, sinundan nina dating Senador Bongbong Marcos na may 15 percent; Manila Mayor Isko Moreno sa 13 percent at Senador Manny Pacquiao na may 12 percent.

Malayong kasunod si Senadora Grace Poe na may nine percent; habang eight percent naman si Vice President Leni Robredo at may six percent si Senador Panfilo Lacson.

Bumaba ng eight percent si Inday Sara na dating 28 percent sa survey noong June 7-16.

Hindi tayo bihasa bumasa ng survey. Pero nang titigan ko ang ‘class voters’ na kinunan ng survey, kapan-pansin ang mataas na porsiyentong ni Isko sa Class ABC.

Pawang nasa double digit ang numerong nakuha nina Duterte (16 percent), Marcos (18 percent) at Moreno (20 percent) sa Class ABC.

Mataas naman ang nakuha ni Duterte sa Class D (20 percent) at E (25 percent). Ibig sabihin, taglay nito ang karisma ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mahihirap.

Samantalang Marcos ay may 16 percent sa Class D at 12 percent sa Class E.

Si Moreno ay may 14 percent sa Class 14 at seven percent sa Class E.

Gusto kong tumbukin dito ang 20 percent na nakuha ni Isko sa Class ABC.

Itinuturing kasing mga ‘matatalinong botante’ ang mga nasa Class ABC bagaman wala tayong eksaktong hawak na figure kung gaano ba sila karami sa ating populasyon o kundi man ay mga botante mismo.

Kung ano nga ang inilaki ni Isko sa Class ABC ay mahina naman siya sa Class E.

Wala akong ibang puwedeng i-attribute kung bakit mataas sa Class ABC si Isko dahil sa performance nito sa Maynila.

Ibig sabihin, marami na talagang humahanga sa ‘Bilis-Aksiyon Style’ ng pamamahala ni Yorme.

Ang mga ‘intelligent voters’ na mula sa hanay ng Class ABC ay tunay na napapabilib ni Isko na isa lamang na dating basurero at artista.

Simula nang linisin nito ang Divisoria at mga bangketa sa lungsod, halos ginawa nang ‘template’ ng ilang Local Government Unit ang paglilinis sa lansangan.

Busog sa ayuda ang mga taga-Maynila ngayong panahon ng pandemya na halos lahat ng mgakababayan natin sa iba’t ibang lugar o lungsod ay napapa-Sana All tuwing nakikita sa social media ang mga tulong na ibinibigay nito sa mga Manilenyo.

Napakasipag nitong humarap sa social media na malaking tulong din para makita ng madla ang kanyang mga nakabibilib na performance.

Dahil sa nakuhang ‘boto’ ni Isko mula sa Class ABC, hindi na puwedeng sabihin na ‘artista’ at ‘pogi’ lamang si Isko, kundi ang mga ‘matatalinong botante’ mula sa naturang hanay ay napapabilib na sa mga ginagawa nito sa lungsod.

Si Inday Sara naman, kaya siguro bumaba ay dahil sa walang malinaw pang tugon kung talaga bang tatakbo ito sa pampanguluhan o tuluyan nang aatras sa laban. Maaaring naapektuhan din ang nagaganap na imbestigasyon ngayon ng Senado hinggil sa umano’y anomalya sa pagbili ng multibillion-peso na medical supplies.

Gayunman, naniniwala rin tayong gumagawa na ng paraan ngayon ang Duterte camp para malinis ang kanilang pangalan ng Pangulong Duterte sa mga bintang laban sa kanila.

Samantala, steady naman ang numerong nakukuha ni Marcos na sinasabing dapat ding bantayan dahil hindi lamang mga loyalista nila ang naniniwalang dapat ibalik sila sa Malakanyang. May mga kabataan ding naniniwala na mas maganda talaga ang buhay noong ‘Martial Law’ kumpara ngayon.

Take note, mga ate at kuya. Isinagawa ang survey nang wala pang inilalabas na ‘tv commercial’ ang mga binanggit nating pangalan. Maliban na lang kay Lacson na opisyal na nagdeklara ng planong pagsabak sa pampanguluhan noong Setyembre 8, kasama ang running-mate na si Senate President Tito Sotto na sobrang taas sa survey sa vice-presidential race.

At ngayong unti-unti nang naglalabas ng kani-kanilang commercial ang ating mga presidential wannabes, maaaring magbago ang ‘landscape’ ng mga survey results.

Kung sabagay, medyo matagal pa ang halalan at marami pang puwedeng mangyari.

Kaya antabayan pa natin ang mga mangyayaring kaganapan ng nalalapit na lalo na hanggang November 15 na siyang deadline naman ng ‘substitution ruling’ ng Comelec.