Garcia Photo caption FOR ONLINE: Pinangunahan dito ni Gov. Joet S. Garcia, gitna, ang ginanap na pulong ng Pilot Universal Health Care (UHC) Technical Working Group (TWG) at ng Provincial Health Board (PHB) Biyernes, upang lalong palawigin pa ang programang ito para sa mga Bataeño. Kasama sa mga dumalo sina LMP Bataan President at Orion Mayor Antonio Raymundo Jr., Bagac Mayor Ramil del Rosario, Hermosa Mayor Jopet Inton; ikalawa sa kaliwa; Abucay Mayor Robin Tagle, Mariveles Mayor AJ Concepcion, SP Board Member Dr. Jorge Estanislao, former Board Member Dr. Bong Galicia, at iba pa. Kuha ni CHRISTIAN D. SUPNAD

Implementasyon ng UHC, palalawigin pa sa Bataan

March 18, 2023 Christian D. Supnad 127 views

THE BUNKER, Bataan – Pinangunahan nitong Biyernes ni Bataan Governor Joet S. Garcia, ang ginanap na pulong ng Pilot Universal Health Care (UHC) Technical Working Group (TWG) para palawigin ito para sa mga Bataeño.

Kasama rin ang Provincial Health Board (PHB) sa naturang pagpupulong upang lalong maging epektibo ang programang ito para sa probinsya ng Bataan.

Kabilang sa mga tinalakay sa pulong ng UHC-TWG ang nilagdaang Inter-LGU MOA (Memorandum of Agreement) at mga susunod pang programa at proyekto na magpapalawig pa ng implementasyon ng UHC sa buong lalawigan.

Ayon pa sa gobernador, tinalakay din sa pulong ng PHB ang kanilang mga tungkulin sa mga susunod na inisyatibo ng UHC, pati na rin ang matagumpay na Bataan Health Summit nitong nakaraang linggo.

Iniulat din ang iba’t-ibang health updates sa lalawigan, gaya ng mga kaso ng maternal death, COVID-19 at pagbabakuna laban dito, at dengue, na pinagsusumikapan mabawasan, hanggang sa wala nang susunod pang maitatalang mga kaso ayon kay Garcia.

“Ibinahagi naman ng inyong lingkod ang mga updates ukol sa ating Healthy Paaralan Program na nais pa nating mas mapalawig bago matapos ang kasalukuyang taong panuruan,” pahayag ng gobernador.

Kasama sa mga dumalo sa mga pagpupulong sina LMP Bataan President at Orion Mayor Antonio Raymundo Jr., Bagac Mayor Ramil del Rosario, Hermosa Mayor Jopet Inton, Abucay Mayor Robin Tagle, Mariveles Mayor AJ Concepcion, SP Board Member Dr. Jorge Estanislao, former Board Member Dr. Bong Galicia, at mga kinatawan ng District Hospitals, RHUs, at mga ahensiyang katuwang sa pagsusulong ng mga programang pangkalusugan.