Implementasyon ng 3 big projects para sa agri, fishery sectors minamadali ng DA
MINAMADALI ng Department of Agriculture (DA) ang implementasyon ng tatlong malalaking proyekto para sa Mindanao na magpapalakas sa production ng agricultural at fishery sectors para matulungan ang rehiyon na magamit nang husto ang potensyal nito bilang pangunahing agricultural hub.
Kabilang sa mga proyektong puspusan na ang pagpapatupad ng mga ito ang Philippine Rural Development Project (PRDP-AF2), DA-PRDP Scale-Up project at Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIADP).
Sa pamamagitan ng Second Additional Financing para sa PRDP-AF2, nilalayon ng DA na paigtingin ang food logistic at access ng bansa upang matiyak ang food security ng mga Pilipino.
Nabuo ang inisyatibong ito dahil sa tagumpay ng unang PRDP na tumugon sa mga pangangailangan noong panahon ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pagsuporta ng agri-fishery recovery bg DA.
Samantala, dinisenyo ang DA-PRDP Scale-Up project upang talakayin ang mga patuloy na hamon sa sektor ng agri-fishery sector sa pamamagitan ng pagbigay ng halaga sa clustering at kolaborasyon bilang estratehiya, pagpapabuti ng partisipasyon ng pribadong sektor at pagtiyak sa climate resilience ng mga project intervention.
Layunin naman ng Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIADP) ang pagpapanatili ng pagtaas ng produksiyon sa agrikultura at ang access sa merkado at serbisyo para sa mga organized farmer at fisherfolk group sa piling ancestral domain at value chain sa Mindanao.
Makakamit ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kapabilidad ng mga lokal na pamahalaan upang masolusyunan ang mababang kita dahil sa mahinang marketing linkage at kakulangan sa imprastraktura sa mga malalayong lugar na ancestral domain.
Ayon kay Assistant Secretary Arnel de Mesa, magkakaroon ng pagkakataon ang Mindanao na makamit nito ang potensyal bilang pangunahing agricultural hub sa bansa sa pamamagitan ng mga naturang proyekto.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 35.1 porsyento ng kabuuang produksyong agrikultura ng bansa ang galing sa Mindanao.
“We thank the Department of Finance (DOF) for providing funds to finance the government counterpart for these ongoing foreign-assisted projects.
This is a huge help for us since we are striving to complete them as soon as possible and according to schedule, so that Filipinos can benefit from them right away,” ani De Mesa.