IMPEACH VP SARA POSIBLE
Dahil sa banta vs PBBM, FL, Speaker Romualdez:
NANINIWALA ang isang miyembro ng Young Guns bloc ng Kamara de Representantes na ang banta ni Vice President Sara Duterte sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay maaaring magamit sa paghahain ng impeachment laban sa kanya.
“Ang mga binitawang mga salita ng ating Bise Presidente, tingin ko impeachable offense,” ani House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun, chairman ng House bases conversion committee, sa isang press conference.
Pero inamin ni Khonghun na hindi pa pinag-uusapan sa Kamara ang pag-impeach kay Duterte dahil abala umano sila sa mga imbestigasyon.
“Pero kung tatanungin niyo rin ba ako kung napag-uusapan ba ito sa Kongreso, eh hindi pa namin ito napag-uusapan. Dahil abalang-abala din kaming lahat sa pag-attend ng meeting. At marami din kaming mga batas, mga ordinansa, mga panukalang batas na kailangan ayusin, lalong-lalo na naghahabol din kami dahil malapit na nga ‘yung break,” sabi ni Khonghun.
Ayon kay Khonghun, sila ay abala sa imbestigasyon kaugnay ng mali umanong paggamit ng P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023.
“Sa ngayon, wala pa naman kaming napag-uusapan tungkol dyan. Basta kami po tinutuloy pa lamang po namin itong trabaho, kung ano po ‘yung aming maa-unravel dito po sa committee hearing na ‘to,” sabi naman ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House committee on good government and public accountability.
“At the end of the day, ito ay pag-uusapan ng lahat ng mga miyembro ng committee. Hindi ito magiging desisyon ng isa. At the end of the day, collegial body ang mag-decide kung ano ang magiging laman or konteksto ng aming committee report,” saad pa nito.
Ayon kay Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V, tatangkain nila na tapusin ang mga imbestigasyon bago ang Christmas break.
“Ang goal namin dito sa Committee on Good Government saka sa Quad Comm, siyempre ang goal namin matapos na iyong hearings at investigation para ‘yung policy recommendations, bagong batas, amendments at possible findings natin ma-submit sa mga kaukulang ahensya. ‘Yan ang number one priority ng committees,” wika pa nito.
Sinabi ni Ortega na normal lamang na ipagtanggol ng mga miyembro ng Kamara si Speaker Romualdez at ang institusyon kaugnay ng mga pag-atake ni Vice President Duterte.
“Normal po siguro na reaction ng House members ‘yun under the leadership of Speaker Martin. Siyempre po kami po ‘yung direktang binibira din nila sa HOR. So kaya kami nandito dahil pinagtatanggol namin itong bahay namin, itong HOR,” sabi pa nito.
Ayon kay Ortega, ang mga miyembro ng Kamara ay nagkakaisa laban sa pag-atake ng ikalawang pangulo.
Sinabi naman ni Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon na ayaw ng mga kongresista na mayroong banta kay Speaker Romualdez.
“Bilang isang miyembro po ng HOR ay hindi naman natin gugustuhin na iyong ating leader though the House Speaker ay pagbabantaan po ang kanyang buhay. Remember, ‘yung opisyal po na nagpahayag, actual death threats is the second highest public official of the land and the threats were directed to the President, the First Lady as well as the House Speaker,” sabi pa nito.
“So alangan naman hindi ho kami mag-react doon sa naging pahayag. Pagbabanta na po ‘yun sa buhay and iyong mga ganoon po ay wala hong puwang ‘yun sa ating pamahalaaan…Remember VP po siya and isa po siyang abogada. Alam niya po ‘yung mga consequences when we utter the statements,” dagdag pa ni Bongalon.
Ayon kay Khonghun, ikinalulungkot nito at ng kanyang mga kasama sa Kamara na mayroong nagbabanta kay Speaker Romualdez.
“Nakita naman natin kung gaano kasipag magtrabaho ang ating Speaker. Nakita naman natin kung gaano kasipag magtrabaho ang Kongreso ngayon. Meron tayong Quad Comm na nagtratrabaho kahit na break. Ngayon sinimulan na ‘yung Quinta Comm at didiretso ‘yung ating mga committee hearing sa pagbabalangkas ng batas,” sabi nito.
“So, dito nakikita ‘yung liderato ng ating napakasipag at pinakamagaling na Speaker, si Speaker Martin Romualdez. So nakakalungkot na merong mga ganitong klaseng pagbabanta… sa buhay ng ating Presidente, sa buhay ng ating First Lady, sa buhay ng ating Speaker, so natural lamang na ang Kongreso ay magsasama-sama upang ikondena ‘yung ganitong klaseng mga gawain,” dagdag pa ni Khonghun.