Ariel Inton

Imbestigahan ‘backdoor’ deal ng MC taxi companies

September 10, 2022 Jun I. Legaspi 743 views

PINAIINBESTIGAHAN ng apat na transport-commuters advocate ang sinasabi diumano biglang pag-takeover ng Grab sa Move It bilang accredited motorcycle-taxi service provider sa Technical Working Group.

Kabilang ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang nanawagan sa TWG ng “pilot test” ng motorcycle (MC) taxi operation na imbestigahan ang diumano ay pagbenta ng Move It sa Grab upang ang huli ay makapasok sa pilot test ng motorcycle taxis.

Matatandaan na tatlo ang binigyan ng accreditation ng TWG na binuo ng DOTr (Department of Transportation) para mamasada bilang motorcycle taxis – Angkas, Joyride, at Move It – habang wala pang batas.

Marami ang nag-apply for accreditation pero tatlo lang ang binigyan ng accreditation. Pero ang balita ay “ibinenta” na ng Move It ang kumpanya nila sa Grab.

Mariing itinangi naman ito ng Move It sa kanilang inilabas na statement na nagsasabing nananatili silang isang “accredited company” ng TWG at walang “takeover” ng Grab na naganap.

Hinihinikayat naman ng LCSP ang Move It na sumali halimbawa sa pagpupulong sa pagitan ng TWG upang imbestigahan ito.

Ayon kay Ariel Lim ng National Public Transport Coalition at member ng TWG, nag-apply noon ang Grab pero hindi na-accredit dahil “late” ang application.

Ayon kay Inton, “Hindi tutol ang LCSP sa pagpasok ng mga bagong player sa motorcycle taxi industry pero dapat ay dumaan sa tamang proseso ipinatutupad ng TWG. Hindi puwede ang “backdoor entrance” na gagamitin ang isa sa tatlong accredited companies nang hindi dumadaan sa proseso ng TWG. Bawal Bakas. Bawal Kabit system. At huwag payagan habang nasa pilot test pa ang motorcycle taxis.”

Ang layunin ng “pilot run” ay hindi para sa “Negosyo” kung hindi para bumalangkas ng polisiya “in aid of legislation” para masumite sa Kongreso at isabatas na ang motorcycle taxis.

“Kaya hindi maaaring tumahimik lamang kami sa isyu na yan kung ito ay makapagpapaantala sa pag sasabatas ng motorcycle taxi,” ani Inton.

Dagdag pa niya, “Okay ang kumpetisyon pero sana pagtapos na ng pilot run at may malinaw na polisiya na tulad ng pagbibigay prangkisa, ruta, pamasahe, safety precautions at iba pa.”

Kaya’t panawagan ng LCSP, National Public Transport Coalition, Arangkada Riders Alliance, at Digital Pinoys ay suriin ang “Grab–Move It deal”.

AUTHOR PROFILE