Jinggoy

Imbakan ng pagkain, gamot para sa biktima ng kalamidad hiniling

November 26, 2024 PS Jun M. Sarmiento 155 views

IMINUNGKAHI ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pagtatatag ng nationwide network ng food banks at stockpile na magsisilbing imbakan ng mga hindi nabubulok na pagkain, maiinom na tubig, gamot at mahahalagang suplay para sa mga lugar na sinalanta ng anumang natural calamity.

“Dahil madalas tayong tamaan ng kalamidad, ang paghahanda sa sakuna dapat ginagawa kahit na sa panahon na walang kalamidad.

Maraming beses nang nangyari na naantala ang pagpapadala ng relief goods dahil may problema sa accessibility ng mga apektadong lugar.

Kung may food banks nationwide, makakaasa tayo na may maipamamahagi sa ating mga kababayan sa panahon ng kalamidad,” ani Estrada.

Sa inihaing Senate Bill No. 2860 ni Estrada, ang Disaster Food Bank and Stockpile Act naglalayong magtatag ng sentral na imbakan at reserba ng suplay para sa pagkain, tubig, medical supplies at iba pang pangunahing gamit tulad ng portable na kuryente at ilaw, first aid kits, damit at tolda.

“Ayaw rin nating maulit ang nangyari noong kasagsagan ng pandemya na walang sapat na domestic inventory ng personal protective equipment (PPE) sa bansa.

Kung sapat ang suplay noon, posibleng naagapan natin ang pagkalat ng sakit at mas marami ang naligtas,” sabi ni Estrada, patungkol sa COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng SBN 2860, hindi dapat bababa sa dalawang taon ang shelf life ng mga suplay at sapat dapat sa pangangailangan ng mga mamamayan sa loob ng tatlong linggo.

Ang prayoridad para sa prepositioning ng mga food bank at stockpile ang mga isla na munisipalidad, malalayong lugar at mga 4th hanggang 5th class na mga munisipalidad.

“Ang Pilipinas kabilang sa mga bansa na madalas tamaan ng kalamidad at paulit-ulit nating nakita kung paano ang mga pagkaantala sa paghahatid ng tulong ay nagpapalala sa pagdurusa ng ating mga kababayan.

Sa pagtatatag ng mga disaster food banks, maaari tayong makapagbigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan nating mga kababayan at matiyak na walang Pilipino ang magugutom o kaawa-awa sa panahon ng krisis,” sabi ni Estrada.