Default Thumbnail

IM Pilipinas hinikayat si Yorme na tumakbo sa pagka-pangulo

July 2, 2021 People's Tonight 673 views

HINIKAYAT ng isang grupo na kinabibilangan ng mga pambansang kilusan ng mga sektor, mga organisasyong sibil, mga relihiyosong grupo, akademya, mga kapatiran at dating mga lokal na opisyal si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na sumali sa pagka-pangulo sa darating na 2022 election.

Ang naturang hamon kay Domagoso ay isinagawa ng mga lider sa itinatag na Ikaw Muna (IM) Pilipinas, na isang non-government organization, kasabay ng paglulunsad sa kanilang grupo kung saan iginiit nila na ang bansa ay nangangailangan ng isang bagong pangulo na katulad ni Yorme.

Pinangunahan ang nasabing pagtitipon ni dating Metropolitan Manila Development Authority general manager at IM Pilipinas lead convenor Tim Orbos.

Ipinahayag ni Orbos, dating high-ranking official sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, na napakabigat ng babalikatin ng susunod na pangulo ng bansa dahil sa mapanirang bunga ng pandemya sa buhay ng bawat Pilipino.

Aniya, mabilis na rin nagbago ang mundo dala ng pagsulong ng teknolohiya at wala ng panahon ang Pilipinas para sa mga mapanghating pulitika. Kaya kailangan iisang bangka lang ang sumasagwan sa iisang direksyon, sa tulong ng isang pinuno na may direksyon, tulad ni Mayor Isko.

Ayon na rin kay Jun Zuñiga, dating Sec.-Gen ng Liga ng Barangay ng Pilipinas, na nagpahayag din sila ng pagsuporta kay Moreno kung sakaling tumakbo itong pangulo sa 2022 election. Naniniwala silang mayroon dignidad at kakayahan si Isko na pamunuan ang bansang Pilipinas.

Si Isko ang taong walang pinipiling suportahang barangay, maging kalaban man niya o kakampi sa politika. At kung nagkaroon ng problema ang isang barangay, may due process na pinaiiral, sabi ng grupo.

Hinahamon ng grupong IM Pilipinas si Isko na ibalik ang sigla ng bansa at buhayin ang tawag na “Pearl of the Orient Sea” upang maging kauna-unahan sa Asya ang Pilipinas.

Mariing sinabi naman ni Philip Piccio, pinuno ng Parents Enabling Parents Coalition at tubong Antique, na nagtapos si Isko sa “Univesity of Life,” ipinanganak sa kahirapan, natikman ang hirap ng buhay, kaya hinihikayat nila si Isko na dalin ang mga Pilipino sa magandang kinabukasan.

“Isang tunay na tao si Isko na marunong tumanaw sa pinanggalingan dahil alam niya ang hirap ng buhay,” wika ni Jun Magno, Pangulo ng Stop & Go Coalition.

Sa sektor naman ng kabataan, sinabi ni Janis Angela Illaga, Student Council Pres. ng PLM College of Law, na si Isko ang pangunahing lider na tinatakbuhan ng mga estudyante at mabilis na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan at mayroon itong modernong pamumuno.

Kaya ang sigaw ng grupong IM Pilipinas, ibangon ang dignidad ng bansa. Gawin sa buong Pilipinas ang ginawa ni Isko sa Maynila at ibalik ang dangal nito.

AUTHOR PROFILE