Imee

ILO C190 aprubado na sa Senado

December 12, 2023 PS Jun M. Sarmiento 218 views

APRUBADO na sa huling pagbasa ang Philippines’ ratification of the International Labour Organization Convention 190 na tutugon sa mga dinadanas na pangha-harass at pang aabuso sa manggagawa sa kaniyang pinagtatrabahuhan.

Sa botong 20-0-0, inaprubahan ng mga senador ang iminungkahing panukala sa Resolution no. 877 kung saan pormal nang niratipikahan ng ILO C190 o Convention Concerning the Elimination of Violence and Harassment in the World of Work.

Ayon kay Sen. Imee Marcos, chairperson ng Committee on Foreign Relations, isa ang ILO C190 sa mga unang international treaties na nagbibigay proteksyon sa karapatang pantao ng sinumang manggagawa na makapagtrabaho nang maayos at walang pangamba sa anumang pang aabuso o harassment.

Protektado rin sa nasabing batas ang isang tao base sa kasarinlan nito pati na rin ang kanyang paniniwala sa kanyang sarili at hindi siya kailangan mag-alala sa opinyon ng sinuman dahil sa batas na magbibigay proteksyon sa kanya.

Ang nasabing Convention o C190 ay hindi lamang magagamit sa oras ng trabaho ng isang mangagawa kundi sa lahat ng pribado at pampublikong lugar kung saan siya naroroon.

Bukod kay Marcos, sinamahan din siya sa pagsusog ng batas nina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva at Sens. Pia Cayetano, Jinggoy Ejercito Estrada, Risa Hontiveros at Robinhood C. Padilla na co-sponsor ng resolution.

Ani Legarda, tagumpay para sa mangagawang Pilipino ang ratification na ito.

“The nature of violence and harassment in the world of work is multifaceted and ILO C190 not only recognizes this reality but also highlights the importance of prevention, protection and redressal mechanisms.”

Kaakibat nito ang Recommendation No. 206 kung saan sinususugan ang bawat malayang bansa tulad ng Pilipinas na bigyan ng kahalagahan ang karapatan para magsagawa ng collective bargaining agreement kung saan nakapaloob ang mga proteksyon na dapat ibigay sa sinumang manggagawa.

Inaasahan naman na makikipagtulungan ang Senado sa ilalim ng United Nations Sustainable Development Goals, partikular sa Gender Equality and Decent Work and Economic Growth para sa manggagawang Pilipino.

Mismong ang Pangulo Marcos Jr. ang unang nagtulak sa ratipikasyon ng ILO C190 noong October 13, 2023 bilang pagtugon sa 1987 Constitution, treaties and international agreements.