Default Thumbnail

‘Illegal’ online sabong sinalakay ng NBI, 250 katao inaresto

September 28, 2021 People's Tonight 507 views

INARESTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Central Office ang 250 katao, kabilang ang operator, empleyado at mananaya ng umano’y illegal onlone sabong sa San Leonardo Nueva Ecija.

Ayon kay Atty. Emeterio Dongallo Jr., pinuno ng NBI-Special Project Team, isinagawa nila ang pagsalakay Lunes ng hapon sa Mavin’s Events Center sa San Leonardo, Nueva Ecija.

Ayon kay Atty. Dongallo, isinagawa nila ang raid makaraang mag-reklamo sa kanilang tanggapan ang ilang lehitimong operator ng e-sabong sa bansa.

“Ang modus nitong illegal na e-sabong operator, pareho lang nung legal. Meron silang pasabong, tapos nila-live stream nila then bettors will bet online. Ang problema lang hindi sila nagbabayad ng franchise,” ani Dongallo.

Nakumpiska sa operasyon ang libu-libong cash na ginamit sa pagtaya, mga production equipments tulad ng mga camera at computer, na gamit naman sa live streaming ng sabong, at mga manok na panabong.

“Ang violation diyan illegal gambling PD 1602 in relation to cybercrime prevention act kasi online e,” dagdag ng opisyal.

Nangangamba rin ang mga otoridad na baka maging super spreader ng COVID virus ang naturang iligal na sugalan. Bawal pa rin kasi ang live na sabong sa buong bansa.

Iginiit din ng NBI official na malaki ang nalulugi sa pamahalaan dahil sa operasyon ng naturang ilegal na online sabong.

“Malaki po, magkano ba ang franchise fee ng mga legitimate na mga e-sabong operators di ba? Tapos yung monthly pa na tax o buwis na dapat sana pang ayuda natin sa covid sa approach ng gobyerno. Gastos sa mga bakuna, facemask, pang sweldo ng mga health workers,” ayon pa sa opisyal.

Ayon naman sa isang nagpakilalang MJ na humarap sa mga otoridad, kumpleto umano sila ng papeles sa kanilang operasyon, pero wala namang maiprisinta noong isagawa ang raid.

Inaalam naman ng mga opisyal ng NBI ang posibleng nasa likod ng naturang ilegal na operasyon.

“I’m sure naman kung sino yung mahuhuli natin hindi naman yung mga bosses di ba? Sila yung mga operator, administrator. Pero we will dig deeper, alamin natin kung sino ba talaga ang behind. Para at least mahinto na natin ito. Sa tingin ko malaki yan. Kita nyo naman nagpapaoperate sila ng isang buong sabungan. Parang coliseum yan?, dagdag ni Dongallo.

AUTHOR PROFILE