Illegal gun, bala, granada nakumpiska sa BPSO member

June 3, 2021 Melnie Ragasa-limena 150 views

INARESTO ng pulisya ang isang miyembro ng Barangay Public Safety and Order (BPSO) ng makumpiskahan ng ‘di lisensiyadong baril, mga bala at granada sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Kinala ni Police Major Elmer Monsalve, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang naarestong si Nicolas Dela Cruz, 51, residente ng No. 160 Arba Extension, Area B II Talanay, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Bandang alas-8:30 ng gabi (June 1) ng maaresto ang tanod ng mga tauhan ng CIDU at Batasan Police Station (PS 6), habang naka-duty sa Batasan-San Mateo Road malapit sa Saret St., Brgy. Batasan Hills.

Ayon kay Monsalve, nakatanggap sila ng impormasyon na nagdadala umano ng baril na walang lisensiya ang tanod habang nagsasagawa ng pag-iikot sa kanilang barangay kaya naman nagkasa ng operasyon ang mga awtoridad.

Agad na nagtungo ang mga operatiba ng CIDU at Batasan Police sa nasabing barangay at namataan ang tanod na nakasukbit at nakalitaw pa ang baril nitong caliber .38 revolver sa beywang na loaded ng anim na bala at nang sitahin ay walang naipakitang lisensiya sa armas ang suspek.

Nang kapkapan ang tanod ay nadiskubre pang may dala itong (4) cartridges ng caliber .38 at isang granada.

Nakapiit na ang tanod habang inihahanda ang kasong mga paglabag sa RA 10591 (The Comprehensive Firearms and Ammunition Law) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives).