Gatchalian

Ilapit mas maraming Kadiwa Centers sa mga mamimili – Gatchalian

January 14, 2023 People's Tonight 209 views

IMINUNGKAHI ni Senador Win Gatchalian ang pagtatatag ng mas maraming Kadiwa Centers upang mailapit ang mga produktong pang-agrikultura sa mga mamimili at mapababa ang mga presyo ng pagkain sa mas abot-kayang antas.

“Para matugunan nang maayos ang problema sa mataas na presyo at kakulangan ng produktong pang-agrikultura, tulad ng sibuyas, kailangang mabigyan ng sapat na suporta ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtatatag ng mas marami pang Kadiwa Centers,” ani Gatchalian.

“Ang paglikha ng mas maraming farm-to-market retail centers, tulad ng Kadiwa, ay inaasahan nating magbibigay ng kapangyarihan sa mga magsasaka dahil mapapabuti nito ang antas ng kanilang productivity. Inaasahan natin na magsisilbi itong motivation na pagbutihin ang kanilang pagsasaka na nangangahulugan ng mas mataas na kita para sa kanila at mas mababang presyo ng pagkain para sa mga mamimili,” dagdag niya.

“Ang Valenzuela City ay isa sa mga nabiyayaan ng Kadiwa. Ang kagandahan nito ay nababawasan ang mga middleman. Dapat government-sponsored ang Kadiwa, ibig sabihin ‘yung lugar, kuryente, at tubig ay manggagaling sa gobyerno para ang mga kooperatiba ay diretso nang makakabenta sa mas murang halaga dahil walang patong mula sa middlemen,” ayon sa senador.

Upang higit na mabigyan ng kapangyarihan ang mga magsasaka, sinabi ni Gatchalian na dapat ding palawigin ng gobyerno ang pagbibigay ng mga subsidiya tulad ng Fuel Discount for Farmers and Fisherfolk Program (FDFFP). Simula Marso noong nakaraang taon, sinimulan ng departamento ng agrikultura ang pagpapatupad ng programa na nagbibigay ng P3,000 na tulong kada magsasakang benepisyaryo.

Ang naturang subsidiya, na naglalayong tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mabayaran ang mataas na halaga ng diesel o gasolina dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, ay may layong tulungan ang sektor ng agrikultura na maiangat ang produksyon ng pagkain sa kabila ng hamon ng mataas na presyo ng petrolyo.

AUTHOR PROFILE