Default Thumbnail

Ilantad ang mga kakasuhan sa Tupad syndicate!

November 5, 2021 Allan L. Encarnacion 385 views

Allan EncarnacionKINUMPIRMA na ng NBI na may mga makakasuhan sa maeskandalong Tupad program ng DOLE na nabunyag sa Quezon City.

Ang Tupad ay isang programa ng gobyerno para mabigyan ng tempory jobs ang mga kababayan natin sa mga bara-barangay. Pinagwawalis sila sa komunidad, pinaglilinis ng mga baradong kanal sa loob ng sampu hanggang tatlumpung araw kapalit ng mahigit P14,000 na sahod.

Malawak ang programang ito na lalong pinalakas sa panahon ng pandemya. Ang Tupad o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ay isang community-based package assistance na kung tawagin ay emergency employment.

Hindi lang pala ito paglilinis ng komunidad, inaatasan din ang ibang Tupad workers na magtanin ng puno, magretoke ng mga infra na hindi kailangan ng makinarya, kumbaga, tapat-tapal lang sa mga farm to market road.

Isa ito sa pinakamagandang cash-for-work program ng gobyerno kung hindi lang magiging balasubas ang mga pulitikong nakikialam rito. Inililigtas ng pamahalaan sa gutom ang marami nating kababayan sa tulong ng Tupad pero binibuwaya ng mga ganid na pulitiko.

Katulad nga sa Quezon City, nasa isang libong kababayan natin ang na-scam ng Tupad program na ito. Kinuha silang magtrabaho ng pulitiko tapos nang kubrahin ang sahod sa remittance center, may toll gate!

Iyong kita nilang P14,000 plus, naging P2,000 lang kasi may nakaabang sa pintuan ng remittance center para kaltasin ang P12,000. Kung 1,000 Tupad workers ang nagreklamo, ibig sabihin P14 million ang budget na inilaan ng DOLE.

Dahil sa kaltas na P12,000 sa kanilang kinita, kinulimbat pala ang P12 million ng kanilang recruiter.

Ngayon, binabanggit ng DOLE at ng NBI na may mga kakasuhan na sila sa anomalyang ito kaya lang ayaw pa nilang pangalan sa publiko.

Ang tanong, baka naman “dagang-dingding” lang ang mga kakasuhan at pinalusot ang mga halimaw na totoong nagnakaw sa pera ng mga pobre nating kababayan?

Nanawagan tayo sa DOLE at sa NBI na pangalanan na ang mga nagkamal sa Tupad syndicate na ito para magsilbing babala sa iba pang pulitiko na ganito rin ang ginagawa.

Nagtataka naman ako sa mga pulitikong sangkot sa Tupad scam, sobrang yaman nyo na dahil sa dami ng inyong ninanakaw sa gobyerno, pati ba naman ang kapiranggot na panglaman sa sikmura ng mga mahihirap nating kababayan ay dinodorobo nyo pa! Anong klase ba kayong mga animal na sumibol sa bayang ito?

Matagal nang nangyayari ang ganitong scheme/scam sa Tupad program kaya dapat napapakulong talaga ang mga buwitreng sangkot dito.

Mga ganitong klase ng pulitiko ang dapat kinakapon para hindi na dumami pa ang kanilang lahi.

Masyado kayong masiba, buhay pa kayo!

[email protected]