Default Thumbnail

Ilang sekyu sa Pasay, umaaktong parking boys

February 8, 2023 Edd Reyes 278 views

Edd ReyesMARANGAL na hanapbuhay ang pagiging security guard lalu na’t nakasalalay sa kanilang trabaho ang kaligtasan at seguridad ng pribadong establisimiento o lugar na kanilang binabantayan.

Pero hindi maikakaila na may ilang security guard na ginagamit ang kanilang uniporme at armas na ini-isyu sa kanila ng security agency, hindi lang upang ipakita ang hawak na kapangyarihan, kundi para kumita ng karagdagang salapi.

Hindi naman masama na tumanggap ng “tip” ang sekyu lalu na kung sakop nila ang lugar na may bakanteng pagpaparadahan ang mga sasakyan at nagkukusa ang mga may-ari o tsuper ng behikulong pumaparada na magbigay sa kanila ng pakunswelo, kapalit ng pagbibigay ng pahintulot na makaparada ang sasakyan.

Kaya lang, ang puwersahan o pamimili ng sasakyang bibigyan ng prayoridad na makaparada kapalit ng pagbabayad, aba’y hindi tama yan, dahil puwede silang ireklamo sa security agency na kanilang pinapasukan o sa mismong kumuha ng serbisyo sa kanilang ahensiya..

Dito nga lang sa paligid ng Pasay City Hall, maraming may transaksiyon sa lokal na pamahalaan ang hindi makahanap ng maayos na paradahan ng kanilang sasakyan dahil kahit na motorsiklo, hindi sila makaparada kahit may bakante dahil nirereserba ng mga security guard ang lugar para sa kanilang mga “suki” na nagbabayad ng parking fee kahit libre ang pagparada.

Sabi ng nagrereklamong mga riders, hindi lang parking ang pinagkakakitaan sa lugar dahil may mga illegal vendors at mga nagno-notaryo rin sa lugar na hindi naman pinapaalis ng mga guwardiya.

Magagalit si Mayor Emi Calixto-Rubiano niyan kapag nakarating sa kanya ang sumbong lalu na’t hinihimok pa naman ng alkalde ang mamamayan na magbayad ng buwis upang tumaas ang pondo ng lokal na pamahalaan na magagamit sa pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan pero sa hirap ng paradahan sa lugar, naaantala ang pagtungo ng mga taxpayers sa city hall.

Ang tanong nga ng mga motoristang hirap humanap ng paradahan, security guard daw ba talaga ang papel ng mga ito sa lugar o parking boys?

NCRPO, walang tinag sa pagtugis sa mga kriminal

SA loob lamang ng isang linggong pagsasagawa ng One-Time-Big-Time (OTBT) operation na inilunsad ng limang distrito ng kapulisan sa Kamaynilaan noong Enero 23 hanggang 29, umabot sa 470 na mga wanted sa batas na may warrant of arrest ang nalambat ng pulisya.

Nito lang Lunes ng hapon, nagtungo ang mga pamilya at kaanak ng mga naging biktima ng mga nadakip na wanted na kriminal na nahaharap sa iba’t-ibang kaso tulad ng murder, rape, pagpatay sa kanilang ninakawan at iba pa sa kampo ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Bicutan, Taguig upang personal na ipaabot ang kanilang pasasalamat at pagbati kay Director P/MGen. Jonnel Estomo.

Humarap sa kanila si P/BGen. Jack Wanky, and Regional Director for Operation ng NCRPO, bilang kinatawan ni MGen. Estomo na may dinaluhang mahalagang pagpupulong, upang tiyakin na hindi titigil ang kapulisan sa pagsasagawa ng OTBT para matiyak na maging matagumpay ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga at lahat ng uri ng kriminalidad.

Pinuri naman ng maalamat na Regional Director MGen. Estomo ang kanyang mga tauhan sa hindi natitinag na pagsisikap sa pagsasagawa ng pagtugis sa mga kriminal na aniya ay naghahatid sa kanilang organisasyon ng mataas na antas ng pagkakaloob ng tunay na serbisyo publiko na nakabatay sa kanyang programang S.A.F.E. NCRPO.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE