Ilang grupo hiniling itigil muna ang NCAP

June 29, 2022 Jun I. Legaspi 154 views

MARIING nanawagan ang transport at commuter groups sa papasok na bagong Secretary ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) huwag munang ipatupad ang “No Contact Apprehension Policy” (NCAP) bagkus “busisiing” munang mabuti ito bago ipatupad.

Ang panawagan ay ginawa ni Atty. Ariel Inton, pangulo ng “Lawyers for Commuters Safety and Protection” (LCSP) matapos inanunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na ipapatupad na ito sa mga susunod na araw.

Ayon kay Inton at mga kaalyadong transport at commuter groups, sobrang taas na ng presyo ng produktong petrolyo ay sobrang “taas” din ng multa sa NCAP kaya maaaring tuluyan ng mababaon ang transport sector na pilit bumabangon, lalo na nga’t may napipinto na naman pagtaas ng presyo na posibleng umabot na sa P100 per liter ang presyo ng diesel.

Ayon kay Inton, ang puntirya ng NCAP na pagmultahin ay hindi ang driver na may violation kung hindi ang may-ari ng sasakyan o operator ng pampublikong sasakyan.

Maliwanag nakasaad sa “notice of violation” na kapag hindi nakabayad ang driver ng multa ay operator ang magbabayad nito.

“Kung franchise violation, ang operator ang dapat pagmultahin. Kung traffic violation, driver ang dapat pagmultahin. Maliwanag yan sa traffic code at polisiya ng LTO [Land Transportation Office]. Bakit ‘pag NCAP violation ay ayaw ng LTO i-renew ang rehistro ng sasakyan? Sasakyan ba violator. Dapat lisensiya ng erring driver,” saad ni Inton.

Nanawagan din ang LCSP sa mga mambabatas na i-refile ang panukalang batas ni Cong. Dong Leachon na regulasyon sa NCAP para maging “patas” ang maging implementation nito.

Matatandaan na kaya sinuspinde o nabigay ng amnesty ang ilang LGUs (local government units) na nagpapatupad ng NCAP ay dahil sa economic condition na umiiral.

Ngunit ayon kay Inton, “walang nagbago ngayon at lalo ngang hirap dahil sa sobrang taas ng per litro ng gas at diesel.”

Nangangamba rin ang LCSP na maaaring ikalugi umano ng mga operator ang malaking multa ng NCAP at malaking bawas sa kita ng driver kung ngayon ipatutupad ang NCAP.

Gitii ng LCSP sa DOTr at LTO dapat na suspendihin muna ang pagpapatupad nito at magsagawa ng public hearing tungkol dito. Kung itutuloy ng LGUs ang implementation ng NCAP ay dapat “sumaklolo” ang DOTr at LTO sa inudstriya ng pampublikong transportasyon.

“Bakit sumusunod ang LTO na huwag i-renew ang rehistro ng sasakyan dahil sa traffic violation? Anong batas ang basehan ng LTO? Bakit pumasok ang LTO sa kasunduang ito?” tanong ni Inton.

Ayon sa kanya, dapat i-renew pa rin ng LTO ang rehistro ng sasakyan dahil hindi kailanman naging basehan ang traffic violation para ito harangin.

AUTHOR PROFILE