Ibayong pag-iingat ang kailangan

March 26, 2022 People's Tonight 247 views

Adele GunigundoPLANO ng Department of Education na paluwagin ang mga requirements at guidelines sa aplikasyon ng mga eskuwelahan na gusto nang magkaroon ng limited face-to-face classes.

Sa datos, ngayong Marso ay may kabuuang 10,206 public at private schools ang nabigyan ng go signal para magkaroon ng face-to-face classes. Sa bilang na ito, 9,994 ang public schools.

Kailangan pa rin na pumasa sa standards ng school safety assessment tool (SSAT) ang mga school para payagan silang magkaroon ng face-to-face classes. Kailangan ding nasa ilalim ng alert level 1 at 2 ang mga paaralan para payagan. Kailangan pa rin na may koordinasyon ang eskuwelahan sa local government partikular sa mga barangay na nakakasakop sa kanila. At higit sa lahat, hihingan pa rin ng written consent ang mga magulang at legal guardians ng mga mag-aaral.

Bagama’t luluwagan ang ilang guidelines, sinabi naman ng DepEd na kailangang ang mga guro at iba pang school personnel ay kailangang fully vaccinated. Hindi naman magiging requirements sa mga estudyante ang pagiging fully vaccinated.

Para sa amin, wala na tayong ibang opsyon kundi ikonsidera ang face-to-face classes. Hindi na tayo puwedeng manatiling nagtatago sa ating mga bahay. Kailangan na nating lumabas at umpisahan ang unti-unting pagbabalik sa normal na buhay kahit may banta pa rin ng pandemya.

Nagawa na ng gobyerno ang nararapat, inihanda na tayo sa pamamagitan ng pagbabakuna. Malawak na ang naabot ng COVID vaccine. Unti-unti ay nakakayanan na natin ang mabuhay kasama ang COVID-19. Kaya naman dapat na rin nating ikonsidera at payagan ang face-to-face classes. Pero kailangan ang ibayong pag-iingat.

Unang-una, hindi pa bakunado ang lahat ng mga bata. Bagama’t may vaccination na sa edad 5-anyos pataas ay hindi pa rin ganap na nakukumbinsi ang mga magulang na ligtas pabakunahan ang kanilang anak lalo’t humupa na ang banta ng COVID-19. Kaya kung hindi mag-iingat ang DepEd sa isang kisap-mata, maaaring malagay sa panganib ang kalusugan ng mga batang mag-aaral sakaling biglang magkaroon ng bagong variant, ng bagong surge.

Hindi masamang luwagan ang mga guidelines at mga requirements pero nararapat na nakalatag nang husto ang mga pag-iingat na kailangan. Hindi madaling bumalik sa normal lalo na’t alam nating lahat ang pahirap ng pandemya. Pero unti-unti, sa siguradong paraan lahat naman ay kaya nating lagpasan. Ni Adele Gunigundo

AUTHOR PROFILE