Default Thumbnail

Ibalik sa Hunyo ang pagbubukas ng klase

April 22, 2023 Magi Gunigundo 10765 views

Magi GunigundoDAHIL sa tindi ng init ng panahon ngayong buwan ng Abril, ang mga silid paaralan ay nagmistulang pugon. Sa kabila ng mga bukas na bintana, hindi sapat ang mga electric fan na makapagpa-aliwalas ng kuwarto. Pinapangalawahan ko ang panawagan ng mga estudyante, magulang at guro para ibalik na sa dati ang pagbubukas ng taon pampaaralan sa unang lunes ng Hunyo batay sa Seksyon 3 ng RA 7797.

Dahil sa pandemiya ng COVID-19, inilabas ang RA 11480 na nagbigay ng kapangyarihan sa Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na baguhin ang petsa ng taon pampaaralan kapag nagdeklara ang Pangulo ng Pilipinas na may pambansang kalamidad. Dahil dito, inilipat ang pagbubukas ng taon pampaaralan sa Setyembre noon 2020 na nagtapos sa buwan ng Mayo ng sumunod na taon. Hindi naging problema ang init ng panahon sa sumunod na dalawang taon( 2021 at 2022) dahil online ang klase.

Ngunit ngayong balik na muli ang klase sa “face to face” sa taon pampaaralan 2022-23, mukhang nawaglit sa isipan ng Dep Ed na ang buntot ng taon pampaaralan ay tatama sa panahon ng matinding tag-init.

Sa kabilang banda, may kontra sa pagbabalik sa dati ang pagbubukas ng taon pampaaralan. Una, mainam daw sundin ang taon pampaaralan ng mga bansa sa kanluran na sa Setyembre nag-uumpisa ang klase upang ang mga Pilipinong gustong mag-aral sa Amerika ay hindi mabakante ng halos apat na buwan bago makapag-aral sa eskwela sa Amerika. Pangalawa, naiiwasan ang mga buwan ng Hulyo at Agosto na tag-ulan.Ang mga bata sa kanayunan ay makakatulong sa mga magulang sa pagdadayatan ng lupa dahil walang pasok sa mga buwan na naghahatid ng ulan.

Dapat nating intindihin na kaya nga Setyembre ang umpisa ng klase sa kanluran dahil iniiwasan nila ang panahon ng tag-init o summer sa kanilang bansa na may apat na panahon: Spring, Summer, Autumn at Winter. Bukod pa sa tindi ng init sa loob ng silid paaralan, ang summer ay mahalaga upang makapamasyal ang pamilya , makapunta sa mga beach, bumisita at magbakasyon sa mga lolo at lola, at makapaglaro ng baseball, football, tennis, golf, atbp. Mahirap maglaro ng mga ito sa panahon ng taglamig.

Walang masamang patulungin ang mga anak sa pagdadayatan. Mainam na paraan ito para mutyain nila ang ani ng lupa na pinagpaguran ng magulang. Subalit sa takbo ng panahon ngayon, baka imbes na pagmamahal sa agrikultura, pagkamuhi dito ang maging bunga ng pagtulong ng anak sa bukid sapagkat ang kinita ng magulang ay lubhang maliit at hindi ito sulit kumpara sa pagod na pinuhunan sa pagsasaka.

Ang alternatibo na panatiliin na sa kasalukuyan ang taon pampaaralan ay nangangailangan ng napakalaking pondo ng Dep Ed para sa pagbili ng laksa laksang airconditioning units para mapalamig sa buwan ng Marso at Abril ang mga silid paaralan. Malaking pera ang kailangan dito. Hindi pa kasama sa kwenta ang pagpapalit ng instalasyon ng kuryente sa mga paaralan na hindi nakadisenyo para sa mga aircon. Bukod pa sa mga ito, mas malaki ang babayaran singil ng kuryente. Maaaring tumulong ang mga mayamang LGU sa aspetong ito, subalit mas maraming LGU ang naghihikahos para lamang makatawid sa pang-araw araw na gastos sa pagseserbisyo sa pamayanan.

Hindi naman kailangan isagad sa 220 araw ang taon pampaaralan. Puede naman paikliin ito sa 200 araw lamang para may ilang linggong pahinga ang mga bata bago magbukas ng taon pampaaralan sa 2023-24 na puewedeng itakda sa huling lunes ng Hunyo o di kaya’y sa kalagitnaan ng Agosto. Sa taong ito lang maikli ang bakasyon ng mga bata. Sa 2024, dalawang buwan bakasyon na ulit ang kanilang pagpipiyestahan.

Hindi na kailangan pa ng bagong batas para gawin ito. Nakakasuka ang epal ng senador na sumasawsaw sa isyung ito. Wala sa lehislatura ang solusyon. Nakalagak sa ehekutibo ang kapangyarihan para masolusyunan ang problemang ito.

AUTHOR PROFILE