Default Thumbnail

Ibalik ang mga punong-kahoy sa kabundukan

November 2, 2022 Erwin Tulfo 738 views

TulfoNATATANDAAN ko pa may nagsabi noong araw, “We are simply killing ourselves.”

Ang tinutukoy nya ay ang walang-patumanggang pagkakalbo ng kagubatan sa kabundukan at ang pagtatayo ng mga subdivision, shopping malls, at iba pang imprastraktura sa mga dating bukirin.

Nagkakatotoo na ang sinabi noong isang mama dahil napakarami nang namamatay at napeperwisyo dahil sa ating pang-aabuso o pagpapabaya sa kalikasan.

Ang malawakang kalamidad na dulot ng bagyong Paeng ang pinakahuling halimbawa ng bunga ng logging at pagkakalbo ng kabundukan na sanhi ng landslide o pagguho ng lupa at pagbaha.

Si President Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) mismo ang nagpahayag na ang kawalan ng kagubatan at taniman ang sanhi ng kapahamakan at pagkasalanta ng mga ari-arian at kabuhayan.

Kasama ako ng Pangulo, pati sina Local Government Sec. Benhur Abalos at NDRRMC officials sa pagsagawa ng aerial inspections sa flooded areas sa Cavite at Maguindanao provinces noong Undas weekend.

Libu-libo ang mga Pilipino na nasisiraan ng tahanan at bilyun-bilyong piso ang inaanod ng baha sa pagkasira ng mga tanim ng mga magsasaka dahil sa pagbabagyo taun-taon.

At palala nang palala ang pinsala ng palaki nang palaking pagbabaha.

Patindi nang patindi ang pagguho at pagbaha nitong mga nakaraang taon kaysa ilang dekada ang nakakaraan.

“Noong nasa helicopter kami, nakita ko lahat ng gumuho, kalbo kasi ang mga bundok. That’s the problem,” sabi ni PBBM.

“So we have to include tree planting in our flood control. Dapat kasama ‘yan. Kung gagastos tayo sa flood control, kailangan mayroong tree planting,” pagdidiin ng Presidente.

Napakalaki ng nagagastos sa kalamidad na hinuhugot pa sa pondo ng ibang programa at proyekto ng pamahalaan.

Kaya idineklara ni PBBM na anumang flood-control projects mula ngayon ay dapat mayroong kaakibat na tree-planting project.

Hindi yan ang klase ng tree-planting sa mga eskwelahan bilang bahagi ng kanilang clean-and-green program.

Ang hangad ni PBBM ay ang malawakan ng reforestation program na pagpapatubo ng mga puno sa kabundukan na tutulong sa pagpigil sa landslide o pagguho ng lupa at sasangga sa hagupit ng hangin ng super typhoon.

Malinaw pa sa sikat ng araw na korek ang sinasabi ni PBBM.

Panahon na para matauhan ang mga tao ukol sa pagsasaalang-alang sa kalikasan.

Kailangan ng pananatili ng ecological balance na nakakaapekto sa disaster-risk reduction management, agro-industrial production, at food supply.

Huwag na natin antayin na tuluyang malunod sa baha ang lahat ng komunidad at taniman ng ating makakain.

Samantala, kami sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay nakikipagtulungan sa DILG, local government units (LGUs) at mga accredited non-governmental organizations (NGOs) sa tuluy-tuloy na relief operations.

NO BUREAUCRACY

Bilang DSWD Secretary, niliwanag ko sa ating mga kapwa fellow social workers na dapat madaliin ang distribution of family food packs (FFP) at iba pang essential items sa evacuees.

Umapela na tayo sa publiko para sa mga volunteers na gustong makatulong na mag-repack ng mga relief goods.

Nilinaw ko rin sa ating staff sa DSWD central and regional Field Offices na iwasan ang red-tape sa pagbibigay ng assistance, tulad ng paghingi ng certificate of indigency mula sa barangay.

Iyan ang marching order ng Pangulong BBM, pabilisin ang pagtulong sa ating mga kababayan.

AUTHOR PROFILE