Ian

Ian, mas maraming raket kay Ogie

May 17, 2022 Ian F. Fariñas 93 views

MUKHANG magiging super busy ang actor-singer na si Ian Veneracion sa kanyang 40th year sa showbiz ngayong opisyal na siyang ipinakilala bilang parte ng ATeam (Alcasid Total Entertainment and Artist Management) ng singer-songwriter na si Ogie Alcasid.

Sa physical presscon na ginanap nu’ng Lunes ng hapon, masaya at excited sina Ian at Ogie sa kanilang bagong partnership bilang talent at manager.

Kwento ni Ian, isa si Ogie sa mga unang sumuporta sa kanya bilang singer/concert artist.

Katunayan, si Ogie at ang misis niyang si Regine Velasquez ang nag-produce ng kauna-unahan niyang intimate performance na Ian In Colors ilang taon na ang nakararaan.

Sa pagkakaalala ni Ian, nasundan ito ng Pajama Jam at ng back-to-back virtual concert nila ni Ogie na Kilabotitos.

Sa presscon, ikinuwento rin ng dalawa ang iba pang pinagkakaabalahan ni Ian ngayon, gaya na lamang ng single niyang Ninuno na available na sa Apple Music, Spotify at iba’t iba pang streaming apps.

Kwento ni Ogie, hindi mahirap alagaan si Ian dahil very collaborative ito bilang artist at hands-on sa mga proyekto at ideya na maaaring makatulong sa kanyang craft, mapa-musika man, telebisyon o pelikula.

Sa ngayon, may plano raw silang i-tour ang Kilabotitos abroad at magkakaroon din si Ian ng concert sa Iloilo sa Independence Day, June 12.

Biro nga ni Ogie, mas maraming raket si Ian sa kanya.

“Buti pa ikaw, may raket, ako, wala,” aniya.

Marami pang aabangan na upcoming performances sa dalawa, lalo na nga ngayong unti-unti nang bumabalik ang sigla ng live concert scene.

Iba pa rin daw kasi ang pakiramdam tuwing nagpe-perform sila nang may live audience.

Pagdating naman sa acting, katatapos lang ni Ian ng action series na A Love To Kill para sa Netflix.

“Na-miss kong gumawa ng action. Sobrang action ’to. As in better than all action movies I’ve done in the 90s,” aniya.

Kasama ni Ian sa A Love To Kill sina Joel Torre, Andrea Torres at marami pang iba sa ilalim ng direksyon ni Lester Pimentel at fight instruction ng isang Singaporean team.

Sa tingin ni Ian, posible na ngayong 2022 maipapalabas ang A Love To Kill.

Nang tanungin siya kung willing pa ba siyang makatrabaho ang dating partner na si Bea Alonzo sa Kapuso network, sagot ni Ian, malaki ang posibilidad ng muli nilang pagtatambal dahil freelancer siya’t walang kontrata sa kung anumang network.

Matatandaan na nag-click ang tandem nina Ian at Bea sa ABS-CBN romantic family drama series na A Love to Last na dinirek ni Jerry Sineneng nu’ng 2017.

AUTHOR PROFILE