Default Thumbnail

I love you but i hate you!

July 5, 2023 Allan L. Encarnacion 225 views

Allan EncarnacionHINDI maliit na kompanya ang DDB Philippines na kinontrata ng Department of Tourism para sa bagong Love the Philippines campaign slogan.

Isa itong multi-national company na kilala sa strategy, commercial production, research at developmental advertising.

Itong maeskandalong Love the Philippines video production ang nagkanulo sa kanilang kompanya. Nagmukha silang maliit, nagmukha silang patakbuhing ahensiya.

Sa kanilang paghingi ng dispensa, palaging nakadiin ang pag-amin nila sa paggamit ng stock video sa produksiyon na isa pa ring intellectual dishonesty. Iba iyong nakaimbak lang na stock video/file video/stock footage at iba rin ang paggamit nito sa maling paraan. Parang bilog na bola na ipinilit na isiksik sa tatsulok na sisidlan.

In all fairness, maganda naman ang kabuuan ng video production ng Love the Philippines na gawa ng DDB. May tama rin naman at may kurot sa puso and nakaka-proud. Ang problema nga lang, Pilipinas ang inilalako natin sa buong mundo pero ang nakalagay na footages ay kuha sa iba’t ibang bansa. May mga ulat nagsasabing sa Indonesia, Thailand, Switzerland at iba pang bansa ang laman ng Love the Philippines video campaign.

Hindi naman matatawaran ang galing ng DDB pero sa pagkakataong ito, mukhang nadale sila ng katamaran! Ipagpalagay na nating walang ginastos ang DOT dyan kaya kailangan ng mga stock video o bumili ng mga video na may copyright, hindi naman mahirap humanap ng mga video ng sarili nating laman. Napakaraming magagandang lugar dito sa atin at maraming magagamit na talents.

Pero binanggit ni DOT Sec Frasco na aabot sa P49 million ang pondo para sa Love the Philippines ad campaign. Ano ba talaga ang totoo, libre ba ito ng DDB kaya nagtipid o gumastos tayo ng P49 million?

Mapapa-wow uhaw ka sa laki ng pondo at masasabi mong it’s more fund in the Philippines kung ginastusan natin ito ng ganito kalaki tapos due dilligence lang para berebikahin ang originality ng materials ay hindi natin nagawa?

Ito iyong palagi nating sinasabi na sobrang tagal pinaghandaan, sobrang haba ng preparasyon tapos sa mismong launch, sablay pala!

I love the campaign but i hate you DDB sa inyong sablay na ito.

***

Kaya pala nagagalit si Albay Congressman Joey Salceda kasi hindi nyo man lang isiningit sa “stock video” nyo ang Bicol na kilala sa maraming bagay.

Mula sa sili, abaka, niyog, pili, mga masasarap na pagkain hanggang sa Bulkang Mayon ay tanyag ang Bicol pero walang nagamit kahit isang parte ng rehiyon.

Kunsabagay, noong inilunsad ang It’s More Fun in the Philippines nabuking din na ginaya ang logo sa ibang bansa.

Hindi ko alam kung bakit kumukuha pa ng malalaking ad agency ang DOT gayong napakaraming magagaling na talents dito sa atin na kaya ang konseptong ganoon. Iyong production okey lang umupa for shoots kasi kailangan ng mga high tech equipment. Pero iyong mga konsepto, kayang-kaya ng mga advertising graduates natin, lalo na kung gagawin n’yong nationwide contest yan.

Makakatipid na ang DOT, makakatulong pa tayo sa mga local talents na naghihintay lang ng break.

Ang tanong, ano ang susunod na hakbang ng DOT sa pagkaka-terminate ng kontrata sa DDB?

At kailangan ba nating maglabas ulit ng panibagong P49 million?

Sus, talagang I hate you na dahil masyado tayong magastos!

[email protected]