Huwag lang basta bumoto, kumampanya para sa pagbabago!

April 21, 2022 Allan L. Encarnacion 176 views

Allan EncarnacionMARAMI na akong nakasamang pulitiko.

Lahat na siguro ng klase ng mga pulitikong naging malapit sa akin ay puwede kong sabihing up close and personal, nakilala ko talaga sila.

May mga pulitiko na may pera sa wallet mula P20 hanggang P100. Bihira na yan dahil karaniwan sa mga pulitiko, hindi na nagdadala ng wallet. Or kung magdala man, hindi mo sila masyadong nakikitang maglabas ng pitaka.

May mga pulitiko naman na masyadong baledoso, mas baledoso pa sa akin. Meaning, palaging maayos manamit, palaging malinis at talagang makikita mong masinop sa pananamit. Iyong maya’t maya naghihilamos.

May mga pultikong wala kang makikitang arte sa katawan mula sa pananamit hanggang sa pagkain. Isa na siguro rito si Caloocan City 2nd district Congressman Egay Erice na nakasama ko na mula pa pagkakonsehal.

Aminado naman ako maarte ako sa pagkain. Hindi ako kumakain ng hindi dalawa ang ulam or hindi “riding in tandem” ang nasa la mesa. Halimbawa, pag may guisadong gulay, dapat may pritong isda or beef tapa or anumang maiterno.

Bihira rin ako kumain sa mga pack lunch, minsan, tumatakas ako para kumain ng skyflakes or anumang pangtawid gutom para lang huwag kumain sa pack lunch.

Pero itong si Cong Egay, mula noong konsehal hanggang maging paulit-ulit na kongresman, parang “kanto boy” pa rin kumain. Hindi siya katulad ng iba na pag may picture lang kumakain sa styrofoam or mga pack lunch. Kahit ano pa ang nasa styro basta pang-lunch or almusal, titirahin talaga ni Cong Egay.

Siya iyong tipong kahit ano kinakain ng mga kasama niya, kakainin din niya. Bigyan mo ng kape na nasa plastic or paper cup, walang kaarte-arte na kukunin at talagang iinumin.

Kapag pinagmamasdan ko siyang kumain sa mga nakapaketeng pagkain, wala na akong magawa kung hindi kumain na rin dahil nga mahihiya ka sa kanya na walang paki sa ginagalawan.

Sa totoon lang, bakit ko ba sinasabi ito? Kasi nga kumakandidatong alkalde ng Caloocan City si Congressman Erice kaya gusto ko ring makilatis siya ng mga taga-lungsod.

Hindi naman si Cong Egay ang unang mayoralty candidate sa Caloocan na aking sinuportahan. Mula pa kay yumaong Mayor Boy Asistio, Congressmas Baby Asistio, si Mayor Recom Echiverri hanggang kay Mayor Oca Malapitan, halos lahat sila kasi ay kaibigan naman natin.

Tapos naman na ang term ni Oca kaya ang sinusuportahan ko ay si Cong Egay at kilala natin ito mula ulo hanggang paa na matinong tao na may ibubuga.

Noong konsehal pa si Egay, siya na ang nagsusulong ng anti-political dynasty hanggang maging kongresista. Makikita mo sa kanya ang consistency kasi talagang pinagbawalan niyang kumandidato ang sinuman sa kanyang kapatid or anak. Para sa kanya, dapat isa lang sa pamilya at bawal ipamana ang posisyon. Sabi nga, hindi bola ang kanyang advocacy, purung-puro!

Likas na manager itong si Egay at rose from the ranks. Mula sa pagiging federation president ng Kabataang Barangay, si Egay ay dalawang ulit naging konsehal, naging bise-alkalde at apat na ulit naging kongresista. Puwede nating sabihing hinog na hinog si Egay sa karanasan at kaalaman para ayusin ang Caloocan City na lungsod ng aking sinilangan. Marami ang hindi nakakaalam na batang Grace Park ako.

Gusto natin ang plano ni Egay para sa Caloocan na hindi pa nagawa ng lahat ng naging alkalde sa lungsod. Unang-una ay ang peace and order na palaging sagabal sa pag-unlad ng Caloocan.

Pangalawa ay ang pagpapalawak ng health program sa pamamagitan ng Blue card. Nakita natin ang plano ni Cong Egay sa mga ospital ng Caloocan, totoong magkakaroon ng mga gamot at pasilidad at totoong magkakaroon ng duty doctors 24/7.

Sa edukasyon, nakatutok si Egay sa information at digital age kaya iyong Caloocan High School kung saan siya nagtapos ay pinagawaan niya ng e-library at pinagpatayuan niya ng maraming school buildings para maiwasan ang classroom congestion.

Iyong pabahay program ni Erice ang tingin kong game changer dito dahil wala pang alkalde sa lungsod ang tumutok sa problema ng squatting. Si Egay ngayon pa lang, nakaguhit na ang plano para sa 5,000 bahay taun-taon. Ibig sabihin, sa tatlong taon ni Mayor Erice, 15,000 families mula sa squatters ang magkakaroon na ng sariling bahay.

Maraming pagbabagong mangyayari sa Caloocan sa ilalim ng Erice administration na tingin natin ay maglalagay sa mapa sa lungsod bilang bagong development center sa NCR.

Ang Caloocan ang isa sa pinakaunang lungsod sa buong Metro Manila pero aminin man natin o hindi, kulelat na siya dahil sa kawalan ng malinaw na programa.

Kaya ang pawagan natin sa mga kamag-anak, kaibigan at mga kapitbahay namin sa Grace Park, huwag lang tayo basta bumoto, kumampaniya tayo para sa totoong pagbabago.

Iba naman, Egay naman!

allanpunglo@gmail.com