Default Thumbnail

Huwag kayong magtapon, pamahalaan ang mga basura

February 7, 2022 Joey C. Papa 1123 views

JoeyKahit bata pa tayo, nasanay na tayo sa salitang tapon.

“Itapon mo d’yan sa kanal! O itapon mo d’yan sa bangketa. Meron din namang itapon mo sa basurahan!”

‘Yan ang mga kadalasang utos sa atin ng matatanda natin na nakasanayan nang kung saan-saan na lang “itinatapon” ang mga tira-tirang bagay mula sa ating mga tahanan, hardin o maging sa mga tindahan.

May malaking isyu ngayon ng pagtatapon ng medical waste sa Virac Catanduanes at sa Quezon Medical Center (QMC) sa lalawigan ng Quezon.

Ang mga medical waste sa Catanduanes ay itinapon sa tabing-dagat! Ang mga nakita ko sa footage o video sa balita ng media ay mga hiringgilya, mga tube na lalagayan ng kinuhang dugo ng tao, at tila mga plastic tube din ng dextrose.

Mga plastic ang materyal ng mga medical waste na yon na lumulutang-lutang sa dagat! Sino namang tinamaan ng kulog ang nagtapon noon? Lason na ang mga ‘yon. Sasama sa pagkaing-dagat yon, kakainin ng mga isda at kakainin naman ang isda ng mga tao!

Anak ng putakte namang kaisipan ng mga taong nagtapon ng mga ‘yan.

Hinahakot na naman daw ng garbage contractor ang mga basura mismo ng QMC na ilang buwan ding natengga mismo sa loob ng ospital. Naaamoy daw ang nakasusulasok na amoy hindi lamang sa loob ng ospital kundi sa mga tahanan sa barangay na kinapapalooban nito. Wala pa kayang nagkasakit sa mga residente at empleyado?

Naalala ko ang isang karanasan ko sa isang watershed sa lalawigan ng Bulacan na ginawang “sanitary landfill” o garbage dumpsite at pinayagan din ng EMB-DENR na pagtapunan ng hospital waste.

Habang tinitingnan namin ng director ng EMB ang malalim na tambakan ng basura dahil marami itong nakahantad na mga hiringgilya, dextrose, mga tubo ng dextrose at kung anu-ano pa, napansin kong ang mismong lupang kinatatayuan ko ay punong-puno ng hiringgilya!

Maraming hiringgilya ang nakapalibot sa tinatawag nilang “sanitary” landfill! Halos napaigtad ako upang mapalayo sa lugar na kinatatayuan ko. Ang director ay naka-gas mask. Kung “sanitary” ba ang lugar ay kailangan pang magsuot ng gas mask?

At ang patakaran daw ayon na rin sa isang opisyal noon ng DENR ay dapat 10 feet ang lalim ng pagkakabaon ng mga hospital waste.

10 feet ba yon na sa toxic hospital waste na kami nakatayo? Paano ang mga residenteng naninirahan sa barangay na kinalalagyan ng “sanitary” landfill o glorified garbage dumpsite? Nahihinga nila ang katas ng mga lasong ‘yon minu-minuto at oras-oras.

Ganito rin ang nangyari sa Virac Catanduanes at Quezon Medical Center. Nalalanghap lagi ng mga tao, empleyado man o residente ng ospital at barangay nito.

Sakit ang dulot nito sa mga tao. Sumasama rin ito sa hangin at ang katas ng mga lasong-basurang ito ay pumupunta sa ground at surface water. Marami pa naman sa mga kababayan natin na ang tubig nila ay kinukuha sa poso o sa balon. Nalintikan na!

May batas tayo, ang Ecological Solid Waste Management Act o RA 9003. Iniaatas nito sa lahat ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad nito sa mga kabahayan, barangay, tanggapan, ospital, at anumang establisimento na isagawa ang pagbubukod (segregation, ) pagbubulok (composting), paggamit muli ng mga kagamitang puwedeng iresiklo (recycling) ngunit hindi kasama ang mga plastic laluna ang single use-plastic. Pagtatayo ng mga Ecology Center sa mga kabahayan at barangay. Hindi pagtatapon ang kailangan kundi pamamahala sa mga tira-tirang bagay.

Nagawa namin ito sa ilang lunsod at barangay at nakatutuwang malaki ang naging waste reduction nito na hinahakot at dinadala sa mga kabundukan na ginawang tambakan ng basura.

Hindi 100 % na mawawala ang basura ngunit kung bubulukin ang mga nabubulok na tira-tirang bagay na magagawa pang pataba, tiyak na malaki ang magiging kabawasan ng basura sa ating kapaligiran at malaki ang maitutulong nito sa pagbabawas sa patuloy na pag-init at paglamig ng mundo (global warming and climate change) Iligtas natin ang ating Inang Kalikasan. ([email protected])

AUTHOR PROFILE