Default Thumbnail

Hustisyang inaantala

May 20, 2023 Magi Gunigundo 180 views

Magi GunigundoISA sa mga itinuturo ko sa aking klase sa Obligations and Contracts ang konsepto ng “delay” (mora sa Latin) sa pagtupad ng iyong obligasyon. Ang panig na may sala sa pagkabalam ng pagtupad ng obligasyon ay mananagot sa pagkawala ng bagay na hindi ibinigay sa takdang oras na napagkasunduan (Article 1165 Civil Code), kahit na ito ay sanhi pa ng isang bagyo, lindol, tsunami, ipo-ipo, pandemiya na tinatawag na mga “acts of God”(Article 1174 CC). Bukod pa rito, mananagot rin ang panig na huli sa pagtupad ng obligasyon sa ano mang perwisyo na dinulot ng pagkaantala sa kabilang panig (Art 1169 Civil Code).

Ang ugat ng mga batas tungkol sa “delay” ay matutunton sa tatlong doktrina ni Justinian “honeste vivere, alterum non laedere, ius suum quique tribuere” na DNA ng Article 19 Civil Code, “every person must, in the exercise of his rights and in the performance of his duties, act with justice, give everyone his due and observe honesty and good faith. “Sa pakikipag-ugnayan sa kapwa tao, kailangan natin mamuhay at makitungo ng marangal at matuwid; hindi makasakit, makasugat o makapinsala ng kapwa; at igawad sa bawat kausap ang nararapat sa kanya batay sa napag-usapan.

Sa pagpasok sa isang kontrata, ang pagtupad sa pangako ay marangal at inaaasahan ng kabilang panig na tutupad ang kasundo sa usapan dahil parehas silang makikinabang sa kasunduan. Kung sadyang aantalain ang pagtupad, maaari itong magdulot ng perwisyo sa kabilang panig , kaya’t kailangan lamang na bayaran niya ang pinsala.

Sa ilalim ng konsepto ng “prescription”, nagbigay ang batas ng taning na panahon kung kailan maaaring magsampa ng demanda sa Hukuman upang mabigyan ng remedyo ang paglapastangan sa karapatan na nilabag. Kapag lumipas na ang panahong itinakda ng batas, hindi na maaari pang maghabol sa hukuman kahit na gaano pa kalakas ang ebidensyang hawak ng isang panig. Ang pilosopiya ng batas ay simple- huwag mong antalin ang iyong paghingi ng saklolo sa batas sapagkat sa paglipas ng panahon, aakalain ng batas na pinatawad mo na o wala ka ng interes sa ginawang paglabag ng iyong karapatan. Kung walang taning na panahon ang batas, walang kasiguraduhan ang mga bagay na sangkap ng ating kapayapaan sapagkat ang matagal ng isyu ay maaaaring ungkatin kahit tatlong dekada na ang lumipas at ito’y magdudulot ng sigalot.

Sa kabila ng pagpapatingkad ng batas sa kahalagahan ng panahon, ang “delay” o pagka-antala ay ginagamit na sandata ng mga tusong abogado sa ating bansa. Sa katunayan, mayroon tinatawag na “parking fee” para patulugin ang imbestigasyon ng korapsyon hanggang sa maubos ang oras ng imbestigador para isampa ito sa hukuman. At kapag naisampa naman ang matagal ng nabinbin na usapin, madaling madi-dismiss ang kaso dahil sa paglabag ng taga-usig sa karapatan ng akusado sa “speedy trial” ( Tatad v Sandiganbayan).

Sa Reyes v Director, Jan 17,2023, pinalaya ng Korte Suprema ang akusado dahil sa “vexatious violation” ng kanyang karapatan sa mabilis na paglilitis sa ilalim ng ating Konstitusyon. Naipakita ng akusado na hindi na tama ang ginawang pag-aantala ng taga usig sa pag-usad ng paglilitis. Mali-mali ang pagmamarka ng mga dokumento ng taga-usig, at isa lang ang testigong hinaharap bawat bista na nag-umpisa lamang sa ika- 8 taon mula ng isampa ang demanda sa Sandiganbayan noon 2014. Dahil 9 taon ng nakakulong ang akusado ng walang piyansa, sinabi ng hukuman na walang kasiguraduhan kung kailan matatapos ang paglilitis.

Ang buhay ng tao ay mahalaga kaya nga’t sinasabi ng Artikulo III Seksyon 1 ng Konstitusyon na walang sinuman ang maaaring pagkaitan ng buhay, kalayaan at kayamanan ng hindi dumaan sa prosesong itinakda ng batas. Hindi dapat ginagamit ang pag-antala upang ipagkait ang kalayaan sa isang taong inaaakala ng batas na inosente hanggang hindi napapatunayan sa hukuman. Nawa ang mga bagong abogado na nanumpa ngayon taon ay bigyan halaga ang panahon na minumutya ng ating sistema ng katarungan. Pagkatandaan ang sinabi ni dating Pangulo Ramon F. Magsaysay, “ang hustisyang naantala,ay hustiyang ipinagkait.”

AUTHOR PROFILE