Default Thumbnail

Hustisya sa napatay na sekyu ng AdMU, hiniling kay PBBM

July 25, 2022 Melnie Ragasa-limena 303 views

NANAWAGAN ng hustisya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamilya ng napatay na security guard sa naganap na pamamaril sa Ateneo de Manila University (AdMU) nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Raymond Bandiala, anak ng napatay na guwardiya ng AdMU na si Jeneven Bandiala, ang tanging kahilingan lamang nila kay PBBM ay mapatawan ng parusa ang gunman na si Dr. Chao-Tiao Yumol.

“Hustisya lang po. Sana makonsensiya ka (Yumol) sa ginawa mo sa kapatid ko, wala naman siya kasalanan sa inyo. Ginawa lang naman niya ‘yung trabaho niya bakit dinamay mo pa,” umiiyak na pahayag ni Raymond.

Maging ang kapatid ng guwardiya na si Mary Jane Bandiala, ay hustisya rin ang hiling niya kay PBBM. “Sana bigyan ng hustisya ‘yung kapatid ko.”

Ayon kay Mary Jane, huli niyang nakausap ang kapatid noong Biyernes nang tanungin siya nito tungkol sa gamot ng kanilang ina na may sakit na diabetes.

Tinagurian namang “bayani” si Bandiala ng AdMU community dahil ibinuwis nito ang kaniyang buhay nang pigilang makatakas si Yumol matapos ang pamamaril na ikinasawi ng dating Lamitan City Vice Mayor Rosita Furigay at ang kaniyang aide na si Victor Capistrano na dadalo sana sa graduation ng anak na Hanna Rose Furigay sa AdMU.

Si Hanna Rose ay nabaril din at kasalukuyan pang inoobserbahan sa ospital, habang isa pang nurse na si Julia Manabat, 54, ay isinugod din sa ibang pagamutan nang tamaan ng stray bullet sa balikat.

Sa imbestigasyon, naganap ang pamamaril ni Yumol nang dumating ang sasakyan ni Supreme Court Chief Alexander Gesmundo, na speaker sa graduation ceremony, pero hindi na ito bumaba dahil sa insidente.

Nabatid na isang close-in security ni Gesmundo ang nagresponde pa at tinangkang barilin si Yumol subalit mabilis itong nakatakas.

Bagamat walang armas ay matapang na hinabol ng guwardiyang si Bandiala ang gunman upang mapigilang makatakas subalit pinagbabaril ito ni Yumol.

Nakatakas si Yumol sakay ng kinumander na Honda Civic sedan saka inabandona at sumakay ng pampasaherong bus patungo sa lalawigan ng Rizal.

Dahil dito ay hinarang ng mga pulis at mga opisyal ng Barangay Loyola Heights ang sinasabing sinakyan ni Yumol sa Aurora Boulevard kung saan ito naaresto.

Kaugnay nito, inihahanda na ni Maj. Wennie Ann Cale, spokesperon ng Quezon City Police District (QCPD), ang kasong three counts ng murder at frustrated murder laban sa doktor.

Aniya, ang iba pang kasong ihahain laban kay Yumol ay ang paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law, RA 10591, o mas kilalang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, direct assault, malicious mischief at reckless imprudence resulting in damage to property.