Default Thumbnail

Hustisya Para sa Tribong Teduray

November 29, 2022 People's Tonight 396 views

RobinKarugtong ng buhay ng ating mga katutubo ang kanilang tinubuang lupain, nasasakupan, at likas na yaman.

Patunay na rito ang mga katutubong Teduray na naninirahan sa Katimugang bahagi ng Mindanao. Sinasabing galing ang kanilang pangalan sa salitang tew na ang ibig sabihin ay mga tao, at duray, na tumutukoy sa isang maliit na kawit na kawayan at isang linyang ginagamit sa pangingisda.

Mula pa lamang dito, batid na natin na ang kanilang buhay at kabuhayan ay kakawing ng pangingisda sa malawak na baybayin sa Maguindanao del Norte kung saan sila namuhay sa loob ng higit kalahating siglo.

Ika-28 ng Oktubre, sa kasagsagan ng Bagyong Paeng, nang ginimbal tayo ng balita na 24 katutubong Teduray ang nasawi at higit sa 30 na iba pa ang naiulat na nasugatan. Kasabay na nilipol ng pagguho ng putik at bato at rumaragasang baha mula sa Mount Minandar ang naging tirahan ng tribong Teduray sa Sitio Tinabon, Barangay Kusiong.

Ang mas nakagagalit sa lahat, ang trahedyang bumawi sa buhay ng mga Teduray ay nangyari hindi sa kanilang lupang ninuno kundi sa paanan ng bundok kung saan sila pinalipat at napilitang manirahan.

Ang ating hinaing sampu ng maralitang katutubo: Bakit napilitang manirahan ang mga Teduray sa paanan ng Mount Minandar na naging himlayan ng higit na dalawampung katutubo? Bakit patuloy na nasasadlak ang maralitang katutubong Pilipino sa kasawian dahil sa sakuna — hindi lamang dulot ng natural na kalamidad kundi – at ito ang higit na nakaririmarim at nakagagalit– dahil sa kagagawan at kapabayaan ng kapwa tao?

Ayon sa ating nakalap na ulat, ang tribong Teduray ay pinalipat ng tahanan mula sa kanilang tinubuang baybaying lupain patungo sa paanan ng Mt. Minandar dahil ang kanilang komunidad daw ay madaling bahain.

Gayunman, base sa mga lumabas na balita, Disyembre ng taong 2020 nang magpetisyon ang 127 na pamilyang Teduray sa National Commission of Indigenous Peoples (NCIP) ukol sa kanilang sapilitan na paglipat. Bukod dito, walang koordinasyon at angkop na pag-aaral ang nasabing ‘forced relocation’ sa komunidad na lumalabas na mapanganib rin para pamahayan ng mga katutubong Teduray.

Ito po ang punto ng ating hinaing Resolution No. 280 na hangaring imbestigahan ang trahedya ng Tribong Teduray at ang posibleng tunguhin sa lehislatura bilang tugon sa patuloy na pang aabuso sa ating mga katutubong maralita na pilit inaalisan ng lupang ninuno.

Akin pong personal na mithiin na agarang maaksyunan at mabigyan ng kasagutan ang trahedyang bumawi ng buhay ng ating mga katutubo. Kasabay po dito ang pagsusuri sa Indigenous Peoples Rights Act na isinabatas upang kilalanin, protektahan, at itaguyod ang karapatan ng mga katutubo.

Ang ating paninindigan: ang ating gobyerno ay dapat kumilos laban sa anumang aksyon na may layunin o epekto na agawin ang katutubong lupain, nasasakupan o yaman.

Kung may basehan ang mga ulat na nagkaroon ng kapabayaan sa pagpapalipat sa mga Teduray, hindi po natin hahayaang maiwang walang proteskyon ang ating maralitang katutubo. Hindi natin papayagan na tayo mismo ang papalit sa mga dayuhang mananakop.

Sa pangkalahatan, ang mga Teduray po ay kilala sa kanilang katapatan. Iginagalang nila ang karapatan ng pagmamay-ari at paninirahan. Kinikilala po na sa ilalim ng batas ng ating mga kapatid na Teduray, kung ang isang tao ay maglalagay ng marka sa isang tagpi ng kalupaan sa kagubatan para sakahan ng kaingin at bilang pahiwatig ng layunin na angkinin ang lupa, walang sinuman ang maglalakas-loob na manghimasok at lumampas sa mga hangganan alinsunod sa kanilang alituntunin.

Isang kasawian po na hindi napantayan ang katapatang-loob ng ating mga katutubong kapatid na sila pang patuloy at pilit inaalisan ng lupang ninuno. Hindi man natin maibabalik ang buhay ng mga nasawing Teduray, ipaglalaban natin na wala nang buhay na masasayang dahil sa kapabayaan at paniniil sa katutubong lupain, nasasakupan, at likas na yaman. Ni Robin Pailla

AUTHOR PROFILE