Husay ng Pilipino, Dangal ng Sambayanang Pilipinas

December 14, 2022 People's Tonight 147 views

RobinMULI na naman pong nagningning ang mga Pilipino sa buong mundo, matapos ang sunod-sunod na parangal na nauwi ng ating mga kababayan sa iba’t ibang larangan.

Tampok sa Senado nitong nagdaang linggo ang pagbibigay-pugay sa mga Pilipinong hindi lamang po nag-uwi ng premyo at medalya kundi higit sa lahat, nagpamalas sa buong mundo na angat ang lahing Pilipino saan mang panig ng mundo.

Una na rito si Nurse May Richell Cestina-Parsons, isang British-Filipino na nakilala sa kasaysayan ng buong mundo sa pagbibigay ng pinakaunang bakuna sa isang pasyente ng COVID-19 labas ng isang klinikal na pagsusuri.

Natanggap po niya ang prestihiyosong George Cross Award noong Hulyo 12, 2022, mula sa yumaong si Queen Elizabeth II at ngayon ay King Charles III, sa ngalan ng higit sa isang milyong manggagawa ng National Health Service (NHS) ng United Kingdom.

Mula sa kabayanihan ng isang Pinay sa sektor ng kalusugan, isang Pinay na aktres naman po ang nagpamalas ng talento na kinilala sa pandaigdigang entablado. Nag-uwi po ng karangalan si Bb. Kylie Verzosa sa kanyang pagkapanalo bilang Best Actress sa Distinctive International Arab Festivals Awards 2022. Hindi lamang po ganda ang likas kay Bb. Verzosa — linang rin po ang kanyang talento sa pag-arte na tunay na maituturing na world class.

Nakasungkit din po ng medalya ang ating masasabing Pride of Bangsamoro people, isang batang Maranaw na si Al Basher “Basty” Jumangit Buto. Hindi po matatawaran ang kanyang kontribusyon sa ating bansa sa larangan ng chess matapos niyang mag-uwi ng tatlong Silver Medal at tinaguriang Candidate Master sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championship nitong nakalipas na 2022 Eastern Asia Youth Chess Championships sa Bangkok, Thailand.

Humabol rin ng gintong medalya ang ating Pinay weightlifting icon na si Hidilyn Diaz-Naranjo sa kanyang pinakahuling tagumpay na “triple gold” sa 2022 International Weightlifting Federation (IWF) World Championships sa Bogota, Colombia.

Mula sa pag-ukit ng kasaysayan matapos niya mapanalunan ang unang ginto ng Pilipinas sa 2020 Tokyo Olympics sa women’s 55-kg weightlifting category, tuloy pa rin po ang pagpapakilala ni Hidilyn sa ating bansa sa pandaigdigang arena.

Tunay po na nakatataba ng puso ang ating mga kababayan na dala-dala ang ating lahi sa kanilang pagsampa sa pandaigdigang entablado. Sa Senado, ang ating mga resolusyon ng pagkilala sa kanilang parangal ay patunay lamang ng ating matingkad na suporta sa kanilang natatanging kontribusyon sa bansa.

Ang ating patuloy na paghakot ng karangalan ay nagpapasiklab ng puso at damdaming makabayan. Hangad po natin na patuloy pa itong pagyamanin para sa ating pagkakakilanlan bilang mamamayan ng ating mahal na bansa. Ang husay ng Pilipino ay dangal ng sambayanang Pilipinas. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE