Default Thumbnail

‘Hunger games’

December 12, 2022 Allan L. Encarnacion 256 views

Allan EncarnacionPINAGDEDEBATEHAN kung puwede nga bang ibigay sa mga poorest of the poor nating mga kababayan ang Astronaut pills.

Ito raw iyong tableta na iniinom ng mga umaakyat sa buwan or lumilipad sa mga outer space para hindi gutumin. Pero kinumpirma na ng Nasa (National Aeronautics and Space Administration) na may mga totoong pagkain din ang mga Astronauts gaya ng chicken, beef, nuts and juices at kumakain din sila sa kalawakan ng tatlong beses sa isang araw.

Batay sa pinakahuling data, nasa 11.3% o 2.9 million pamilyang Pinoy ang dumanas or dumaranas ng involuntary hunger. Siguradong hindi rin na-survey kung gaano naman karami ang mga sumasailalim sa “voluntary” hunger games.

Ang dami kaya ngayong mga kababayan natin ang nababaliw sa IF (intermittent fasting) na ang tawag ko naman dito ay IF din or “incompetent fasting.”

Iyong IF na halos 16 to 18 hours na walang food intake na karaniwang nagsisimula pagkatapos ng huling heavy meals. Halimbawa, kakain sila ng heavy lunch ng 1 p.m. Ang susunod na full meal nila ay 10 a.m. the next day. Sana lang hindi pa sila hibang sa gutom.

Buwenas ang mga taong may kakainin pero ayaw kumain or walang ganang kumain. Ito talaga ang involuntary hunger, iyong ang dami namang pagkain pero wala kang gana. Samantalang iyong 2.9 milyong pamilya ay dumaranas ng nag-involuntary hunger dahil sa kawalan ng pagkain.

Kakaiba rin talaga ang ating mundo ngayon, sabi nga, “while the poor is looking for food, the rich is just looking for appetite.”

Ang totoo, hindi naman dapat nagugutom ang tao sa isang bansang katulad nating agrikultural. Kahit saan ka magtanim dito sa atin ng gulay ay tumutubo na hindi nangyayari sa maraming bansa.

Iyong mga talagang dumaranas ng gutom ay hindi ko lang kasi matanggap dahil marami namang paraan para makakain.

Kung wala kang hanapbuhay, sa iyo mismong mga kapitbahay ay maari kang kumita kung magsisipag ka lang maging handyman na puwedeng magkumpuni ng kahit ano or maglinis ng kanilang mga kanal, magtabas ng mga damo, maglinis ng mga baradong alulod or maglabada at mamalantsa kaya. Hindi ka man bigyan ng pera, maari kang bigyan ng pagkain.

Kahit noong musmos pa ako, hindi ako nagugutom kasi may mga diskarte ako. Nariyang mangunguha ako ng kaning-baboy para lang makakain ng ice candy, nag-iipon ng basyong bote ng gin or patis para maibenta kapalit ng krispop or sitsarong kulot!

Noong medyo nagbinatilyo na ako, naglilinis ako ng jeep kapalit ng singkuwenta sentimos or magtatawag ng pasahero sa kanto para sa kinse or beinte singko sentimos. Hindi ko iyon ginawa dahil wala lang kaming makain, ginawa ko iyon para may sarili akong pera at mabili ko ang mga gusto kong pagkain.

High school na ako nang maglinis naman ako ng sako-sakong kapis at magputol ng mga bakal para maging handle ng bintanang kahoy. Medyo bigtime na ang kita ko sa high school, P250 na kada isang linggo dahil mga taong 80s naman na ito. Ginagawa ko ito pag dating or bago pumasok sa eskuwela.

Sa college nagtinda pa ako ng enseymada at pan de coco sa CMT (Citizens Military Training) sa Lyceum, Manila kada Sunday para magdagdan ang pera ko sa buong linggo.

Sa dami ng kaya kong isipin na paraan para kumita mula noon hanggang ngayon, hindi ko matanggap na may magugutom na pamilya. Isipin nating palagi na ang buhay ay kompetisyon, kailangan lagi tayong handang lumaban sa kahit anong pagkakataon.

Lalo na sa bahagi ng mga padre de pamilya, walang dahilan para hayaan nating magutom ang mga bata dahil sapat ang ating mga lakas at malawak ang dagat ng mga opurtunidad para kumita kung talagang kikilos lang tayo ayon sa ating pangangailangan.

[email protected]