House Blue Ribbon panel ginawang 10-araw pagkulong sa chief of staff ni VP Sara
INAPRUBAHAN ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na kilala bilang House Blue Ribbon Committee, na gawing 10 araw ang pagkakakulong ni Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff at Undersecretary Zuleika Lopez.
Si Lopez ay na-contempt kaugnay ng sulat nito sa Commission on Audit na huwag makipagtulungan sa komite na nag-iimbestiga sa umano’y iregularidad sa paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Si Lopez ay pinatawan ng limang araw na pagkakulong sa pagdinig noong Nobyembre 20. Pero dahil sa bagong utos ng komite ay sa Nobyembre 30 pa siya palalayain.
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro, na siyang nagsumite ng mosyon, ang mga ginawa ni Lopez ay isang malinaw na pagtatangkang hadlangan ang imbestigasyon ng komite.
“Considering the totality of her acts of undue interference to the proceedings of this committee and the Congress as a whole, I move that the period of detention of Atty. Zuleika Lopez be 10 days instead of five days,” ayon kay Castro.
Inaprubahan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, ang chairman ng komite, ang mosyon matapos itong ma-segundahan at walang naghain ng pagtutol.
Binanggit ni Castro ang patuloy na pag-iwas ni Lopez na makipagtulungan, at naobligang dumalo sa pagdinig noong Nobyembre 20 sa bisa ng subpoena.
Bago ang kanyang pagdalo, paulit-ulit na binabalewala ni Lopez at ng iba pang mga opisyal mula sa OVP at DepEd ang mga imbitasyon ng komite sa pagdinig.
Binanggit ni Castro ang pag-amin ni Lopez na siya ang nagsulat sa Commission on Audit (CoA) upang hadlangan ang pagpapalabas ng mga kinakailangang dokumento.
“By virtue of her conduct, the committee was deprived of invaluable information necessary to allow it to perform its role of crafting legislation for the improvement of the country’s system of governance and transparency,” saad ni Castro.
Inakusahan din ng mambabatas si Lopez ng pagpapakalat ng mga maling kwento tungkol sa kanyang pagkakakulong, partikular na ang mga alegasyon na siya ay inabuso habang nasa kustodiya s House of Representatives..
Pinabulaanan naman ni House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas ang mga akusasyon ni Lopez, at tinawag itong walang basehan.
“So nakita nga natin ang attitude, behavior, at itong crineate niya (Lopez) na sinasabi niya na pagsisinungaling niya na hindi naman siya hinarass o hindi naman na-barge,” giit pa ni Castro.
Si Lopez, unang ikinulong sa custodial center ng Kamara, ngunit inilipat siya sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City matapos magkaroon ng problema sa kalusugan.
Ito ay nangyari kasunod ng desisyon ng komite na ilipat siya sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City dahil sa mga paglabag sa protocol ng Kamara ni Vice President Duterte.
Ipinag-utos ni House Secretary General Reginald Velasco ang pananatili ni Lopez sa VMMC bilang konsiderasyon sa kanyang kalusugan.