Saquilayan

Hostage-taker patay sa Cavite

May 16, 2023 Dennis Abrina 496 views

ISANG umano’y hostage taker ang patay matapos ilagay sa alanganin ang buhay ng kanyang dalawang biktima nitong Lunes sa Bacoor, Cavite.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ruther Saquilayan, police chief ng Bacoor City ang suspek na si Danilo Gonzales, nasa hustong gulang.

Sa inisyal na ulat, ang mga miyembro ng Sector 3 Charlie 2 Mobile Patrol Unit ng Bacoor PNP ay nagsasagawa ng routine patrol sa kahabaan ng main road ng Camella Springville, Brgy. Molino 3 sa lokalidad na ito, nang makita nila ang suspek na may dalang maikling baril.

Sinubukang arestuhin ang suspek ngunit tumakas patungo sa Nazareth Compound at puwersahang pinasok ang isang bahay.

Hinablot umano ng suspek at tinutukan ng baril sa ulo ang biktimang si Danilo Obenia Agravante, 65 at isang 32-anyos na babae.

Agad na rumesponde ang SWAT Team at sinubukang pakalmahin ang suspek. Matapos ang mahabang oras na negosasyon ay tinutok pa umano ng hostage-taker ang kanyang baril sa mga rumespondeng pulis.

Dahil nalagay na sa alanganin ang kaligtasan ng mga biktima ay napilitan ang SWAT Team na i-neutralize ang suspek na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Bandang 5:05 a.m. nang matagumpay na nailigtas at nabigyan ng paunang lunas ang mga biktima ng rumespondeng Bacoor Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO) Ambulance sa lungsod na ito.

Dumating sa pinangyarihan ng krimen ang mga miyembro ng Cavite Provincial Forensic Unit sa pangunguna ni PSMS Rommel Atibagos para sa teknikal na aspeto ng imbestigasyon.

Narekober nila ang isang unit ng U.S. Army M1911 Caliber .45 Firearm, na may serial no. 738141, kargado ng apat na live ammunition ng parehong kalibre, na ginamit ng suspek.

Dinala sa Mesina Funeral Homes ang bangkay ng nasawing suspek at isinailalim sa autopsy.

AUTHOR PROFILE