Homicide suspect tiklo sa shabu, 3 iba pa sa Caloocan

December 17, 2022 Edd Reyes 113 views

HULI sa aktong nagbebentahan ng ilegal na droga ang apat na katao kabilang ang isang menor-de-edad na estudyante, Biyernes ng gabi sa Caloocan City.

Isisilbi lang sana nina P/Capt. Joemar Ronquillo, Commander ng Caloocan Police Sub-Station 2, ang warrant of arrest laban sa suspek na residente ng Bgy. 36 Maypajo na inilabas ni Hon. Judge May Rachel Santiago Nolasco-Silangil ng Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 50 dahil sa kasong attempted homicide nang mahuli siya, kasama ang tatlo pa, sa aktong nakikipag-transaksiyon ng ilegal na droga sa tatlong kasamahan.

Sa kanyang ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, sinabi ni Ronquillo na dakong alas-7:30 ng gabi nang magtungo siya, kasama ang tatlong tauhan, sa Rajah Soliman St. Bgy. 36 upang isilbi ang warrant of arrest laban sa akusado nang maaktuhan nila ang nagaganap na bentahan ng ilegal na droga.

Kaagad dinakma ng mga pulis ang wanted sa homicide at dalawa niyang ka-transaksiyon habang sinagip naman ang isang 16-anyos na binatilyong estudyante na kasama sa ilegal na bentahan ng droga.

Nang kapkapan, nakuha sa kanila ang limang maliit na plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 7.727 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P52,543.

Dinala ang mga nadakip sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police upang sampahan ng kasong paglabag sa Section 11 ng RA (Republic Act) 9165 habang ang sinagip na estudyante ay isasailalim muna sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development para sa tamang disposisyon.

AUTHOR PROFILE